Bumagsak sa kanyang unang event ang decorated para swimmer na si Ernie Gawilan sa 2024 Paris Paralympics matapos mangulelat sa SM7 men’s 200m individual medley heats noong Sabado sa Paris La Defense Arena.
Nagtala ang 33-anyos na beteranong tanker ng dalawang minuto at 56.39 segundo upang matapos na huli sa parehong Heat 2 at pangkalahatang ranking ng 11-man field.
Hindi siya aabante sa finals dahil ang top eight para swimmers lamang ang makakakuha g ticket sa medal round.
Nanguna sa heats ang world record holder na si Andrii Trusov ng Ukraine na may 2:35.80 habang pumangalawa at pangatlo sina Christian Sadie ng South Africa at Inaki Basiloff ng Argentina.
Gayunpaman, hindi pa tapos si Gawilan sa kanyang kampanya sa Paralympics dahil makakakita pa rin siya ng aksyon sa Lunes sa men’s 400m freestyle S7, na itinuturing na kanyang pet event pagkatapos niyang pamunuan ang parehong event noong 4th Asian Para Games noong nakaraang taon.
Samantala, ang para taekwondo jin na si Allain Ganapin ay nagtapos sa kanyang kampanya sa 2024 Paris Paralympics nang hindi siya makaporma kay Abulfaz Abuzarli ng Azerbaijan sa men’s K44 -80kg Round of 16 noong Sabado sa Grand Palais.
Tinalo ni Abuzarli si Ganapin, 12-9, para biguin ang Pinoy bet at umabante sa quarterfinals.
Nauna rito, nanalo si Ganapin laban kay Hadi Hassanzada ng Refugee Paralympic Team sa Round of 32.
Ito ang unang opisyal na Summer Para Games stint ni Ganapin habang siya ay nag-backout tatlong taon na ang nakakaraan dahil sa COVID-19.JC