Home HOME BANNER STORY Bato nanindigan, ‘di inutusan si Espenido na pumatay

Bato nanindigan, ‘di inutusan si Espenido na pumatay

MANILA, Philippines – Nanindigan si Senador Ronald ”Bato” Dela Rosa na hindi ito nagbigay ng kautusan kay Police Colonel Jovie Espenido na pumatay ng kung sinuman.

“Basta ang alam ko lang na instruction ko sa kanya noong pinadala ko siya sa Albuera [ay] go to Albuera. Tapusin mo yung problema sa druga doon. Linisin mo yung Albuera sa droga at banggain mo yung Espinosa drug syndicate kasi mayor yan ngayon,” saad ni Dela Rosa sa panayam sa radyo.

“Wala naman akong instruction na patayin si ganito, patayin nyo lahat ng sinong gusto nyo patayin,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Dela Rosa ay kasunod ng alegasyon ni Espenido sa pagdinig sa Kamara.

Sinupalpal naman ni Bato si Espenido sa paggawa nito ng sariling interpretasyon tungkol sa kanyang marching order.

“Bakit patayan agad ang iniisip niya kapag [sinabi ko na] banggain mo [ang] sindikato? Pag sinabi kong banggain, banggain mo. Hulihin mo, operate mo… May problema siya kung gano’n ang kanyang pag-iisip, pulis siya eh,” dagdag pa niya.

Itinanggi rin niya ang pahayag ni Espenido na siya ang protektor ng ilang personalidad na iniuugnay sa illegal na droga.

“I bet my own life and the life of my family kung ako’y naging protector ng droga. Isugal ko, isugal ko yung buhay ng buong pamilya ko kung ako ay protector ng droga,” aniya.

Sa pahayag na ang PNP ang pinakamalaking crime syndicate sa bansa, sinabi ni Dela Rosa na ito ay ‘baseless’ at ‘heartbreaking statement.’

“Coming from him na nasa active service, nasa PNP pa, nakauniporme pa nga siya nang sinabi niya yan eh. So, ibig ba niya sabihin na yung sweldo niya na natanggap niya sa PNP na pinapakain niya, ginagamit niya sa edukasyon ng mga anak nya, pinapakain niya sa anak niya… yun pala ay pera na galing sa sindikato?” tanong ng senador. RNT/JGC