Home HOME BANNER STORY Unang mpox case sa QC, naitala!

Unang mpox case sa QC, naitala!

MANILA, Philippines – SINABI ng Quezon City government na naitala ang unang kaso ng mpox (monkeypox), isang linggo matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang unang kaso nito sa bansa ngayong taon.

Nabatid sa ulat na ang naturang pasyente na 37-anyos na lalaki na taga-QC ay kasalukuyang naka–admit sa San Lazaro Hospital.

Ayon pa sa QC government, nagsimula itong kakitaan ng sintomas sa naturang sakit noong Agosto 16, 2024 at na-admit sa naturang ospital makaraan ang anim na araw.

Sinabi sa ulat na nitong Agosto 26, napatunayan sa naisumiteng specimen ng pasyente na dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibong ito ay may MPOX.

Sa initial case investigation na iniulat ng Quezon City Health Department (QCHD) Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), ang naturang pasyente ay may nagdaang local travel history.

“Sa ngayon, mahigpit nating binabantayan ang kalagayan ng residente. Natukoy na rin natin ang 15 contacts niya at patuloy natin silang mino-monitor,” sinabi ni Mayor Joy Belmonte.

Ayon pa sa ulat, bukod sa unang mpox case sa QC, patuloy ang monitoring ng QCESD sa contacts na na-expose mula sa Infinity Spa at Fahrenheit Club (F Club) na pawang naipasara ng lokal na pamahalaan.

Nabatid na sa Infinity Spa nagpamasahe ang isang lalaki na hindi taga-QC na napatunayang may mpox.

Ang F club naman ay tumangging makipagtulungan sa lokal na pamahalaan para magsagawa ng contact tracing.

Tinuran pa na ang dalawang establisyimento ay magkatabi sa E Rodriguez, QC.

Bunsod ng unang MPOX case sa QC, higit na pinaigting ng QC LGU ang prevention, control, at response protocols. Santi Celario