MANILA – Arestado ang pitong suspek, kabilang ang tatlong Chinese national, dahil sa umano’y pagdukot sa tatlong dayuhan sa Parañaque City, sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes.
Sa ulat, kinilala ni NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga suspek na sina Liu Yujie, 39; Weichun Xu, 35; at Donbo Lyu, 35; lahat ng Chinese nationals; at Jon Jon Osquiza, 45; Jerico Mamaril, 29; Brian Barado, 33; at Ruel Arenas, 42.
Sinabi ni Nartatez na nangyari ang insidente dakong alas-4 ng umaga noong Lunes nang pasukin ng mga suspek ang isang bahay sa loob ng Multinational Village sa Barangay Moonwalk, na inuupahan ng tatlong babae — dalawang Chinese at isang Vietnamese.
Aniya, sinira ng mga suspek ang mga closed-circuit television camera habang kinuha ang cellphone ng driver ng mga biktima na si Kevin Christian Julu-an at isang kasambahay.
Dinala ng mga suspek ang mga biktima at pilit na pinasakay sa kanilang getaway vehicle, isang puting Toyota Alphard minivan.
Agad namang nagsumbong si Julu-an sa lokal na pulisya na ikinasa ng operasyon.
Bandang alas-4 ng hapon, natunton ng pulisya ang pinagtataguan ng mga suspek sa isa pang kalye sa kaparehong nayon at inaresto sila.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente upang matukoy ang motibo ng mga suspek. RNT