MANILA, Philippines – NANUMPA na bilang kasapi ng Akyon Demokratiko ang mga napiling makakasama ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa darating na Mayoralty race na gaganapin sa susunod na taon.
Nabatid na ang tinaguriang “Yorme’s Choice” at Team Aksyon Manila ay nanumpa sa partidong Aksyon Demokratiko (Aksyon) sa Sheraton Hotel Manila kung saan pinangunahan ito ni Aksyon President at dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na sinaksihan naman ni Aksyon Chairperson Ernest Ramel, Jr.
Ilan sa mga nanumpa ay sina dating 2nd District Congressman Carlo Lopez at 5th District Congressman Amado Bagatsing. Nanumpa din ang dating broadcaster at aktres na si Chi Atienza, anak ni dating Manila Mayor Lito Atienza at sinasabing tatakbo bilang vice-mayor sa nasabing lungsod.

Kabilang din sa nanumpa bilang mga kandidatong konsehal ang aktor na si Joaquin Domagoso, anak ni Isko Moreno, aktres/singer Mocha Uson at former PBA player Paul “Bong” Alvarez.
Labing-apat na incumbent councilors ang kasama ding nanumpa tulad ng aktor na si Lou Veloso, Joey Uy at Joel “JTV” Villanueva.







