Home NATIONWIDE Digong dapat sumunod sa freeze order vs KOJC assets

Digong dapat sumunod sa freeze order vs KOJC assets

140
0

MANILA, Philippines – Dapat tumalima si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa inilabas na freeze order laban sa mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Si Duterte ang nagsisilbing administrador ng mga properties ng KOJC.

Iginiit ni Justice undersecretary Raul Vasquez na ang itinatakda ng inisyung freeze order ng Court of Appeals (CA) ay itinuturing na “non-negotiable.”

Ang freeze order aniya ng CA ay dapat sundin kahit sino pa man ang nangangasiwa sa mga ari-arian kahit dating presidente ng Pilipinas.

Nitong nakaraan buwan inilabas ng Court of Appeals (CA) ang freeze order sa sampung bank accounts, pitong real properties, limang sasakyan at isang aircraft na pag-aari lahat ni Pastor Apollo Quiboloy.

Sakop din ng kautusan ang 47 bank accounts, 16 real properties at 16 na sasakyan ng KOJC maging ang 17 bank accounts, limang real properties at 26 na sasakyan ng Swara Sug Media Corporation na nangangasiwa sa media arm ng KOJC na Sonshine Media Network International (SMNI).

Nakitaan ng CA ng sapat na basehan para paniwalaan na ang pera at mga ari-arian ni Quiboloy ay maaring mula Sa mga iligal na aktibidad.

Samantala, sinabi ni prosecutor general Richard Fadullon na ang mga kasong isinampa ni Duterte sa Davao RTC kaugnay sa naganap na police standoff sa KOJC compound sa Davao ay naipadala na sa Manila.

Samantala, binalewala ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang umano’y pang-aasar kay Quiboloy ng ilang indibidual.

Naniniwala ang kalihim na ang satirikong panunuya ng ilang indibidual ay epekto lamang ng kasalukuyang sitwasyon at hindi bahagi ng organized conspiracy para siraan si Quiboloy.

Dagdag ni Remulla, ang inilulutang na ideya ng kampo ni Quiboloy na maisailalim sa house arrest ay nasa kamay na ng mga korte na humahawak sa kaso ng religious lider. Teresa Tavares

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here