MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P200 milyong halaga ng illegal na sigarilyo sa dalawang magkahiwalay na raid sa Grace Park West, Caloocan City at Balingasa, Quezon City nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 12.
Nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine National Police ang nasa 1.3 milyong cigarette packs na may pekeng tax stamps at ang iba ay wala talagang stamp.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., tinutukoy pa nila ang source ng mga kontrabandong sigarilyo.
“Hindi natin masabi kung iisa ang may-ari pero tutuntunin din namin. Titingnan din natin kung sino talaga ang may-ari nito para masampahan ng kaukulan na kaso,” ani Lumagui.
Ayon sa BIR, aabot sa P1 bilyon ang tax liability ng mga nakumpiskang kontrabandong sigarilyo.
Bukod sa tax liability, ang mga illegal na produktong ito ay may epekto sa ekonomiya, partikular na sa mga lehitimong negosyante ng sigarilyo na nagbabayad ng kanilang buwis.
Samantala, naaresto sa warehouse sa Balingasa na nilusob ng mga awtoridad ang tatlong manggagawa. Dalawa rito ay Filipino habang ang boss nila ay isang Chinese.
Sa salaysay ng mga naarestong Pinoy, inutusan umano silang ikarga at ibaba ang mga kahon ng kontrabandong sigarilyo mula sa trak na naglalabas-pasok sa kanilang warehouse.
Aminado ang dalawa na illegal ang kanilang operasyon.
“Bago po kami kinuha dito, hindi pa po sinabi…Pagpasok po namin, alam na namin na ilegal,” anang isa sa mga nahuli.
Anila, ang kanilang Chinese boss ang pinaka-nakakaalam ng mga transaksyon sa warehouse. RNT/JGC