Home NATIONWIDE PCG: Higit 97% ng langis mula sa MTKR Terranova narekober

PCG: Higit 97% ng langis mula sa MTKR Terranova narekober

MANILA, Philippines- Nasa 97.43% lamang ang recovery rate ng langis mula sa lumubog na motor tanker na Terranova sa Limay, Bataan dahil 55,512 litro ng oil cargo nito ang nawala, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes.

Sinabi ng PCG na ito ay batay sa pinal na inspeksyon sa ground zero na isinagawa noong Huwebes.

Sa pagbanggit sa ulat ng contracted salvor Harbour Star, sinabi ng PCG na may kabuuang 1,415,954 litro ng langis at 17,725 kilo ng solid oily waste ang narekober mula sa lumubog na motor tanker.

Sinabi ng Harbour Star na ang natitirang 37,867 litro, na nasa 2.57% ng kabuuang kargamento ng langis, ay nawala dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan tulad ng biodegradation, dissipation, pagsipsip ng mga sorbent boom, at hindi nabubulok na putik na naiwan sa mga tangke.

Nagsagawa rin ang salvor ng final stripping operation upang masiguro na ang cargo oil tanks ay walang laman para sa gagawing salvage operations ng MTKR Terranova , ayon sa PCG.

“The said procedure is essential to confirm the removal of residual oil and to prevent leakage or oil contamination for the upcoming salvage operation,” pahayag ng PCG.

Isang tripulante ang namatay at 16 na iba pa ang nailigtas matapos tumaob ang MTKR Terranova at lumubog sa layong 3.6 nautical miles sa silangan ng Lamao Point sa Limay noong Hulyo 25.

Bukod sa MTKR Terranova, tumugon din ang PCG sa lumubog na MTKR na Jason Bradley at sumadsad na MV Mirola 1 sa Bataan.

Dahil sa epekto ng oil spill, idineklara ang state of calamity sa buong lalawigan ng Bataan gayundin sa siyam na lungsod at bayan sa Cavite. Jocelyn Tabangcura-Domenden