MANILA, Philippines- Inabisuhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang publiko na asahan na ang uti-unting pagbabago sa mga paliparan simula sa Setyembre 14 kung saan ililipat na ang pamamahala ng operasyon at pagmementina ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa isang pribadong consortium.
Sinabi ng executive assistant ng MIAA na si Chris Bendijo na ang mga operasyon at pasilidad ng paliparan ay sasailalim sa mga upgrade.
“Sa mga improvements, we’d also like to manage expectations na hindi naman ito overnight mangyayari ay gaganda at mai-enhance na po ang ating paliparan,” ani Bendijo.
Aniya, ang ilan sa mga maliliit na pagbabago na makikita ng publiko ay ang mga karagdagang palikuran partikular sa NAIA Terminal 3; mas maraming upuan sa waiting at pre-departure area; at ang pag-aayos ng elevator, walkalator, escalator, generator set at air conditioning.
Sa malalaking pagbabago naman aniya, dalawa ang nai-upgrade kung saan kabilang dito ang passenger boarding bridges at ang paggamit ng visual docking system.
Ang visual docking system, aniya, ay magbibigay-daan sa automated parking ng aircraft, na nagbibigay-daan sa mga pasahero na mag-deplane kahit na may red lightning alert.
Gayunpaman, hindi nagbigay ng timeline si Bendijo para sa dalawang upgrade na iyon.
Samantala, tiniyak naman ni Bendijo na tataas ang bayad sa paliparan simula Setyembre 2025.
Dagdag pa niya, wala pa ring konkretong plano kung ano ang mangyayari sa Terminal 4.
Para naman sa mga manggagawa, ilang empleyado aniya ng MIAA ang pumirma ng kontrata sa NNIC ngayong linggo.
Ang NNIC ay binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics, Inc., RLW Aviation Development, Inc., at Incheon International Airport Corp.
Nakuha ng grupo ang PHP170.6 bilyong public-private partnership project para patakbuhin at i-rehabilitate ang NAIA sa pamamagitan ng pag-aalok ng pinakamalaking bahagi ng kita na 82.16 porsiyento sa gobyerno. JAY Reyes