MANILA, Philippines – Inilunsad ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) ang isang bagong online platform na naglalaman ng mga resulta ng siyentipikong pananaliksik at dokumentasyon ng mayamang biodiversity sa Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan sa West Philippine Sea.
Pinamagatang “Pag-asa Island: A Hidden Pearl of Biodiversity,” tampok sa website ang mga research findings, larawan mula sa field expeditions, at personal na karanasan ng mga mananaliksik ng UP MSI sa Kalayaan Island Group, partikular sa Pag-asa Island.
Layunin ng online platform na mailapit sa publiko ang kaalaman tungkol sa yamang-dagat at iba pang wildlife na matatagpuan sa isla, gayundin ang mga karanasan ng mga marine biologist na nagsasagawa ng pananaliksik sa isa sa pinakamalayong bahagi ng bansa.
Ayon sa UP MSI, ginawa ang website upang maging mas madaling maunawaan at maabot ng publiko ang mga impormasyong siyentipiko habang pinapalawak ang kamalayan hinggil sa kahalagahang ekolohikal ng Pag-asa Island at mga karatig nitong karagatan.
Makikita sa website ang iba’t ibang pag-aaral tungkol sa mga coral reef, seabirds, iba’t ibang uri ng isda at iba pang species na mahalaga sa marine biology research.
Nakapaloob din dito ang mga larawan at kuwento mula sa mga ekspedisyon na nagbibigay ng sulyap sa mga natuklasan at hamong hinarap ng mga siyentipiko habang nagsasagawa ng fieldwork sa lugar.
Ang proyekto ay sinuportahan ng Canada Funds for Local Initiatives (CFLI) na pinangangasiwaan ng Embahada ng Canada upang makatulong sa mga programang pangkaunlaran sa iba’t ibang bansa.
Maaaring ma-access ang website sa opisyal na portal ng UP MSI at magsisilbing sanggunian para sa mga estudyante, mananaliksik at iba pang interesadong matuto tungkol sa Pag-asa Island.
Ayon sa mga researcher, patuloy nilang palalawakin at ia-update ang laman ng website habang nadaragdagan ang mga bagong siyentipikong pag-aaral at ekspedisyong isinasagawa sa lugar.
Inihayag din ni marine biologist Dr. Maria Celia Malay, isa sa mga miyembro ng research team na bumisita sa Pag-asa Island, na may plano silang magdaos ng exhibit sa UP Science Institute upang ipakita ang ilan sa mga natuklasan sa isla na magsisilbi ring kanilang “research museum.” RNT/JGC