Home METRO Bodega ng sigarilyo, makinarya nabuking sa Bulacan

Bodega ng sigarilyo, makinarya nabuking sa Bulacan

1
0

BULACAN, Philippines – Nabuking ng Bureau of Customs (BOC) ang isang bodega na pinag-iimbakan ng iba’t ibang uri ng sigarilyo, makinarya sa paggawa nito at mga sangkap sa produksyon sa isinagawang operasyon nitong Nobyembre 25, 2026.

Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ang mga kahon ng Cannon Menthol cigarettes, mga makinang ginagamit sa paggawa ng sigarilyo, pinira-pirasong dahon ng tabako at iba pang materyales sa paggawa nito.

Ayon sa BOC, isinagawa ang operasyon sa isang bodega sa Bustos, Bulacan matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa umano’y pag-iimbak ng mga nasabing produkto at kagamitan.

Naglabas si Customs Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ng Letter of Authority (LOA) upang bigyang-daan ang inspeksiyon sa nasabing lugar.

Nakiisa sa operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP).

Sa kasalukuyan, sinigurado na ng mga awtoridad ang lugar habang hinihintay ang pormal na imbentaryo sa mga nakitang sigarilyo, makinarya at iba pang materyales.

Hindi pa inilalabas ng BOC ang kabuuang dami at halaga ng mga nakitang produkto at kagamitan.

Nangako naman ang ahensiya na magbibigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang operasyon.

Patuloy pang inaalam kung sino ang may-ari ng bodega at kung may kaukulang paglabag sa batas sa likod ng pag-iimbak ng mga naturang produkto. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here