ALBAY, Philippines – Naglalaan ang lokal na pamahalaan ng Oas ng P113 milyon para sa mga proyekto sa pagpapabuti ng sistema ng tubig, kabilang ang pagtatayo ng reservoir na may kapasidad na isang milyong litro sa Barangay Balogo, upang matugunan ang matagal nang problema sa suplay at makapaghanda sa El Niño.
Ayon kay Mayor John Kenneth Trinidad, P83 milyon ang inilaan para sa mga proyekto sa ilalim ng 2025-2026 budget, habang iminungkahi naman ang karagdagang P30 milyon para sa 2027.
Kasalukuyan nang ini-install ang reservoir na may kapasidad na 1,000 cubic meters at inaasahang matatapos ito sa Disyembre. Layunin nitong mapahusay ang imbakan, suplay at presyon ng tubig, lalo na sa mga barangay sa mabababang lugar na nakararanas ng mahina o mabagal na daloy ng tubig.
Sinabi ni Trinidad na gumagawa rin ang munisipyo ng karagdagang pagkukunan ng tubig upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mahigit 3,000 kabahayang kasalukuyang pinagsisilbihan ng sistema.
“We are addressing the long-standing problem of water supply by developing more sources. The reservoir will help improve both water pressure and supply, but we also need to expand our sources to meet the growing demand,” ani Trinidad.
Kabilang din sa mga ginagawa ang pagtatayo ng mga spring box para magkaroon ng mas maraming pagkukunan ng tubig at mapalawak ang kapasidad ng sistema.
Inaayos din ng lokal na pamahalaan ang mga problema sa distribution network, partikular ang mga tumutulong tubo na nagdudulot ng pag-aaksaya ng tubig.
Nasa 80 porsiyento na ang natatapos sa programa, ngunit kailangan pa ng karagdagang trabaho upang mapalawak ang saklaw at mapabuti ang serbisyo.
Inaasahang makatutulong ang mga proyekto upang mapaghandaan ang kakulangan sa tubig dahil sa El Niño, na maaaring magdulot ng mas mababang pag-ulan at matagal na panahon ng tagtuyot.
Nagbabala ang PAGASA na posibleng magpatuloy ang El Niño hanggang unang hati ng 2027, na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig at produksiyon ng agrikultura. RNT/MDS