MANILA, Philippines – Nailigtas ang isang mangingisdang nawala sa laot sa loob ng 46 na araw sa karagatan ng Batanes noong Huwebes, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na ang 49-anyos na si Robin Dejillo ng Infanta, Quezon ay naiulat na nawawala mula noong Agosto 4.
Nakatanggap ng impormasyon ang Coast Guard Station (CGS) Batanes mula sa kanilang patrol team na may nakita silang isang puting motorbanca na may sakay na isang matandang lalaki.
“Mahigit isang buwan siyang nakaligtas sa dagat sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig-ulan at pagkain ng isda. Na-sustain din siya ng mga niyog na lumulutang sa tubig,” dagdag nito.
Hinila ng mga responder ang kanyang bangka patungo sa Port of Basco.
Mula sa daungan, sinabi ng PCG na dinala si Dejillo sa Batanes General Hospital para magamot. RNT