MANILA, Philippines- Labinsiyam na babaeng nagtapos ang nakakuha ng degree sa Bachelor of Science in Entrepreneurship sa ilalim ng programang “No Woman Left Behind” ng Quezon City government para sa Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Nabatid na ang graduation ceremony, na ginanap sa Camp Karingal, ay dinaluhan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Justice Undersecretary Margarita Gutierrez, Gender and Development Council Secretary Janete Oviedo, QC Jail Female Dormitory Warden JCINSP. Lourvina Abrazado at iba pang opisyal ng QC Government at QC Jail Female Dormitory.
Si Dr. Gerardo Bautista, QCU Dean ng College of Business Administration and Accountancy, ang nagprisinta sa mga nagsipagtapos habang si Dr. Theresita Atienza, QCU President, ang naggawad ng mga digri.
“Nakatataba ng puso na makitang mayroon nang college degree ang ating mga PDL. Patunay lang ito na hindi hadlang ang bilangguan para lang makapag-aral at makamit ang pangarap,” sabi ni Belmonte.
Sa 19 nagtapos, isa ang nahatulan, anim ang nakalaya at natapos ang programa online, at 12 ang nakakulong pa rin na may mga patuloy na kaso.
Bilang entrepreneurship graduates, bibigyan sila ng pagkakataong maka-avail ng Pangkabuhayang QC assistance program at Tindahan ni Ate Joy program. Ang mga nagsipagtapos ay magkakaroon din ng pagkakataon na makapagtrabaho sa pamamagitan ng QC Public Employment Services Office kapag nakalabas na.
Ang gobyerno ng QC at ang QC Gender and Development Council (QCGDAC), sa tulong ng QCFJD, ay naglunsad ng mga tertiary programs para sa mga PDL sa pamamagitan ng patuloy na edukasyon at pagkakataong makatapos ng kolehiyo sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng blended learning o face-to-face at mga online na klase. Santi Celario