MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang senador na maging mapagmatyag sa mga indibidwal na tatakbo sa mga posisyon sa pamahalaan sa kabila ng mga isyu sa kanilang kandidatura, gaya ng kaso ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
“May posibilidad pa rin ‘yun. Trabaho nating lahat na maging mapagmatyag at tiyakin na hindi sana mangyari ‘yun at kung mangyayari man agad mahuhuli,” pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa isang press conference.
Inihayag ng Senate president ang pangangailangan para rito, kasabay ng paliwanag na ang Commission on Elections (Comelec) ay may ministerial duty na tumanggap ng certificates of candidacy, at hindi basta-bastang makakapag-reject ang poll body ng aplikasyon mula sa sinumang nais tumakbo sa elective posts.
Sa paniniwalang hindi mababago ang ministerial duty ng Comelec, sinabi ni Escudero na maaaring ihain ang
disqualification cases laban sa mga indibidwal na posibleng may kahalintulad na kaso nang kay Guo.
“Mayroon namang procedure para magpa-disqualify ng kandidato during the campaign period kung hindi nga ba siya qualified… Kung makalusot ka katulad ng ginawa natin kay Mayor Alice Guo, kung makalusot ka man, may proseso pa rin sa pamamagitan ng quo warranto para kuwestyunin ang iyong pagkakapanalo o pagkakaluklok sa puwesto,” dagdag pa niya.
Ganito rin ang panawagan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa paliwanag na may mga remedy para sa mga kaso na katulad kay Guo.
“Kilatisin lahat ng qualifications ng mga kandidato. Tapos kahit makalusot mayroon pa naman mga remedyo na puwedeng gawin. There is need to be vigilant, but no need to panic,” ani Pimentel.
“As seen in the Alice Guo case. It is not worth it, as these unqualified persons stand to lose everything. Hence let’s not be too worried about it. Although I think the Comelec has come up with some adjustments to minimize the possibility of foreigners running for public office,” pagpapatuloy niya.
Kaisa ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang sentimyento ng kanyang mga kasamahan dahil posibleng mas marami pang ganitong kaso ang lumutang sa 2025 polls.
“That’s why the Comelec should be vigilant as well while their function is ministerial to accept COCs the general public and the intelligence community should assist,” sinabi ni Tolentino.
Para naman kay Senador Grace Poe, ang nagpapatuloy na filing ng COC ay isang oportunidad para pigilan ang
illegal at undesirable individuals na pumasok sa electoral system ng bansa.
“At the onset, Comelec should be able to screen stringently the aspirant’s documents and qualifications, such as the most basic requirement whether he or she is a Filipino,” ani Poe.
“Concerned agencies should be vigilant and see to it that we don’t have another Alice Guo in our midst,” dagdag niya.
Si Guo ay nahaharap sa kasong material representation sa Commission on Election.
Inihain din ang quo warranto petition laban sa kanya sa korte sa Manila, at petisyong ipakansela ang kanyang birth certificate sa korte sa Tarlac.
Ang mga kasong ito ay inihain laban kay Guo matapos matuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang fingerprints niya ay kapareho sa isang Chinese national na si Guo Hua Ping.
Dahil dito ay iniimbestigahan sa Senado ang tunay na katauhan ni Guo kasabay ng kaugnayan nito sa illegal POGO sa Bamban, kung saan ito umupo bilang alkalde. RNT/JGC