MANILA, Philippines – Walang ididiskwalipika ang Commission on Elections (Comelec) na nagbabalak tumakbo sa posisyon sa pamahalaan sa 2025 nang dahil lamang sa financial status.
“Ito po ang aming commitment: walang madi-disqualify ang candidacy dahil sa kawalan ng pera o kawalan ng pondo para siya ay makapangampanya,” pahayag ni Comelec chairperson George Garcia sa ikalawang araw ng filing ng certificates of candidacy (COC) nitong Miyerkules, Oktubre 2.
“Otherwise, sabi nga ng Korte Suprema, you are adding qualification to what is prescribed in the Constitution. No property qualification is required for the exercise of civil and political rights,” sinabi pa ni Garcia.
Ayon sa ilang aspirants na naghain ng kanilang kandidatura para sa Eleksyon 2025, nadiskwalipika umano sila ng poll body sa nagdaang eleksyon dahil sa kakulangan ng badyet para sa nationwide campaign.
Nauna nang nilinaw ng Supreme Court (SC) na ang unpopularity at non-membership sa isang political party ay hindi sapat na batayan para ideklara ang isang indibidwal bilang nuisance candidate.
“Hindi kami magtatanggal ng kandidato dahil lang sa kanilang itsura, pinaniniwalaaan, pinapanigan. Lagi kaming mag-a-adopt ng totality rule. Anong ibig sabihin? Background ng tao, kasaysayan sa pagtakbo, siya ba ay dinadala ng isang partido…Ganun ba siya ka seryoso ma-file at tumakbo?” ani Garcia.
“Madali ang pag-file…pero ang tanong dapat ba silang maisama sa balota…No nuisance candidate whose name is there in the list should be included in the final list of candidates that would be printed in the ballot,” dagdag pa niya.
Batay sa Comelec Rules of Procedure Part V, Rule 24, ang sinumang kandidato na tinukoy na walang bona fide intention na tumakbo sa public office kung ilalagay nila ang election process sa “mockery or disrepute or to cause confusion among the voters by the similarity of the names of the registered candidates or who by other acts or circumstances.”
Maaari itong magresulta sa pagdedeklara sa mga ito bilang nuisance candidate at kakanselahin ang kani-kanilang mga certificate of candidacy.
Noong nakaraang linggo, nangako ang Comelec na reresolbahin nito ang mga kaso sangkot ang nuisance candidates para sa 2025 midterm elections sa katapusan ng Nobyembre ngayong taon. RNT/JGC