MANILA, Philippines – Umaasa ang National Food Authority (NFA) na makakakuha ito ng mahigit sa kalahating bilyong pisong kita sa mataas na selling price ng mga bigas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sa pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary and NFA Council chairman Francisco Tiu Laurel Jr. na inaprubahan ng NFA ang pagtataas sa selling price ng bigas.
“The higher selling price agreed to by the DSWD will help not only reduce NFA losses but also give it additional resources to buy more palay from our farmers,” ani Tiu Laurel, sabay-sabing ang price hike ay makakakuha ng karagdagang kita na P557.3 milyon para sa taong kasalukuyan.
Noong 2023, nakapagtala ng NFA ng net loss na P6.19 bilyon sa pagsisikap nitong ipursige ang mandatong bumili ng palay mula sa mga local na magsasaka at bumuo ng nine-day buffer stock na nasa 300,000 metric tons ng bigas.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, magbibigay daan ang karagdagang kita para makabili pa ang NFA ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka, na magpapalakas sa rice buffer ng ahensya at magpapataas sa kita ng mga magsasaka.
“At a buying price of P28 a kilo of palay the additional revenue from our sales to DSWD will allow us to buy an additional 400,000 50-kilo bags of palay. That’s easily 12,600 metric tons of incremental rice supply,” ani Lacson.
“We thank the DSWD for their understanding and support of this price adjustment,” dagdag niya.
Aniya, ang selling price ay tumaas ng P38 kada kilo mula sa P25 kada kilo sa DSWD, iba pang relief agencies at mga LGU na wala naming epekto sa market price ng bigas.
Ngayong taon, inaprubahan ng NFA Council ang mas mataas na buying price na mula P17 hanggang P30 kada kilo mula sa P16 hanggang P23 kada kilo noong nakaraang taon para kumpetensyahin ang mga pribadong trader na nagpataas sa presyo ng bigas dahil sa El Niño at rice export ban ng India.
Dahil sa adjustment ng palay procurement price, nakabili ang NFA ng nasa 3.5 milyong 50-kilo bags ng palay sa katapusan ng first half, matapos na makabili lamang ng mas mababa sa 200,000 bag bago ang desisyon ng NFA Council noong Hunyo.
Para sa wet season, plano ng NFA na bumili ng 6.4 milyon hanggang 8.4 milyong bag ng palay.
Humihirit ang NFA mula sa Department of Budget and Management na agaran nang ilabas ang P9 bilyong rice procurement funds. RNT/JGC