UPANG mabigyan ng boses sa kamara at mabigyan ng pagkilala ang mga nasa laylayan ng lipunan kabilang na ang mga informal sectors, naghain ng certificate of candidacy ang Chief Executive Officer (CEO) ng ride-hailing app na Angkas sa ilalim ng bagong partylist na “Angkasangga” nitong Sabado ng hapon sa Manila Hotel Tent City.
Ayon sa 1st nominee ng Angkasangga Partylist na si George Royeca, nakatuon ang kanilang layunin na mabigyan ng pagkilala ang lahat ng informal sector ng lipunan, kagaya ng mga ordinaryong manggagawa, sari-sari store owner, mangingisda at iba pang hindi nakakakuha ng pormal na benepisyo sa gobyerno, kahalintulad ng kanilang ginawang pag-organisa sa mga habal-habal workers na nasa sektor ng transportasyon.
Naniniwala si Royeca na ang mga informal workers ang pinakamakapangyarihang manggagawa na kumakatawan sa 25 porsiyento ng kabuuang manggagawa sa bansa subalit kapos sa mga kaukulang benepisyo at hindi halos nabibigyang pansin ng pamahalaan.
Mayroon na aniya silang binuong landas upang matiyak na mapagkakalooban ang mga informal workers ng legal na pagkilala, seguridad panlipunan at mga oportunidad sa ekonomiya.
“’Angkasangga’ emerges from the roots of Angkas, a platform that revolutionized the transportation industry by providing safe, efficient, and reliable motorcycle taxis, while simultaneously offering countless Filipinos a viable income opportunity and inclusion in the formal economy,” ani Royeca.
“Our journey with Angkas has shown us the immense potential and resilience of the Filipino informal sector. Through Angkasangga, we aim to bring this spirit into the halls of Congress, advocating for laws and policies that ensure their recognition, protection, and development,” dagdag pa ni Royeca.
Bago ang paghahain ng kanilang COC, nagtipon-tipon muna ang mga kasapi ng Angkasangga Partylist sa Cuneta Astrodome sa Pasay City na dinaluhan ng mahigit 5,000 nilang taga-suporta na maituturing na isa sa pinakamalaking bilang ng mga taong dumalo sa paglulunsad ng isang partylist, kabilang ang mga kilalang personalidad at pulitiko. RNT