IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paggamit ng lahat ng mga assets ng pamahalaan upang masiguro ang ligtas at napapanahong pagpapa-uwi sa mga Filipinong apektado ng krisis sa Gitnang Silangan partikular na sa mga Filipino sa Lebanon at Israel.
Tinatayang may 4,000 na mga Filipino ang maaaring maipit kapag tuluyang lumala ang tensyon doon.
”Kaya’t ngayon lang – kanina nga ay pinag-uusapan namin kung papaano namin gagawin upang maiuwi ang ating mga kababayan na nasa Lebanon, ‘yung iba nasa Israel. Nagigitna – nandoon sila sa lugar na medyo delikado kaya’t palagay – dahil talagang nagkaka-giyera na doon,” ayon kay Pangulong Marcos naging talumpati nito sa ‘meet and greet’ kasama ang Filipino community sa Lao PDR.
Sa Zoom meeting kasama sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Defense Secretary Gilberto Teodoro, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at National Security Adviser Eduardo Año, tiniyak ni Pangulong Marcos na ang gobyerno ay nananatiling ‘on top of the situation’ sa gitna ng nagpapatuloy na krisis, sabay sabing prayoridad ng kanyang administrasyon ang kaligtasan at kapakanan ng mga Filipino sa rehiyon.
Pinayuhan naman nito ang mga Filipino sa Israel na iwasan ang ilang lugar sa Gitnang Silangan kabilang na ang bahagi ng Israel at Lebanon dahil sa tumataas na tensyon sa naturang lugar.
Nauna rito, sa naging pag-uulat ng Pangulo, tinatayang 500 pa lamang mula sa 1,500 na mga Filipino ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi na ng bansa.
Samantala, hindi pa nakikita ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangangailangan na itaas sa level 4 ang alerto sa Lebanon.
Sa ngayon kasi ay nasa level 3 pa lamang ang alert ng gobyerno sa mga Filipino sa Lebanon.
Sa ilalim ng alert level 3, nakasaad ang pagpapatupad ng voluntary repatriation o kusang pag-uwi ng mga filipino.
Ipinatutupad ito kung ang karahasan ay nangyayari sa limitadong lugar lamang ng isang bansa.
Sa kabilang dako, ipinatutupad naman sa ilalim ng alert level 4 ang mandatory repatriation sa gitna ng malawakang gulo o giyera sa isang bansa.
Sa Bagong Pilipinas ngayon, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na bagama’t may karahasan na nangyayari, hindi naman nito saklaw ang buong Lebanon kundi sa katimugang bahagi lamang ng bansa at nangangahulugang gumagana pa ang gobyerno ng Lebanon.
Karamihan din aniya sa mga Filipino sa Lebanon ay ayaw umuwi sa Pilipinas.
Sa ilalim ng alert level 4, kailangan din na magpalabas ang host government ng exit clearance para sa mga filipino roon.
Sinabi pa ni De Vega, marami pang nilalakad ang Embahada ng Pilipinas sa Beirut para makakuha ng exit clearance.
Samantala, may ibang Filipino naman ang naghayag ng kanilang interest na makauwi sa Pilipinas. Kris Jose