Manila, Philippines- Hinihingal pero nakuha pa ring mag-file ng kanyang CoC ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor sa itinayong tent sa Manila Hotel.
Si Ate Guy ang ikalawang nominee ng bagong tatag na People’s Champ party list.
Aniya, nais niyang makatulong lalo na sa industriya ng musika, pelikula at entablado.
Kinausap daw siya ng mga taong nasa likod ng partido at nangakong susuportahan siya sa kanyang layunin.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataong tumakbo sa posisyon ang 71 anyos na singer-actress.
Tumakbo si Nora noong 2022 bilang kinatawan ng NORAA party list na nagsusulong ng mga adbokasiya sa sining.
Ngunit bigo ang Superstar.
Tumakbo rin siyang gobernador sa Camarines Sur noong 2001, pero sadyang mailap ang suwerte sa kanya.
Nitong Lunes din, magkakabukod na nag-file ng kani-kanilang CoC sina Abby Viduya at Aljur Abrenica.
Si Abby ang pamalit sa asawang si Jomari Yllana na nasa ikatlo at huling termino na bilang konsehal sa unang distrito ng ParaƱaque City.
Sa pagka-konsehal din sa Angeles City tatakbo si Aljur.
Nag-file sina Nora, Abby at Aljur sa ikalimang araw ng CoC filing. Ronnie Carrasco III