MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Malakanyang ang posibilidad na magpatawag ng special session ang Kongreso dahil na rin sa patuloy na alitan sa Senado na nagiging sanhi ng pagkakaantala ng legislative work.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panukala ni dating Senate President Franklin Drilon para sa Pangulo na makialam na sa nagpapatuloy na hindi pagkakasundo.
“Maganda pong panukala po ‘yan, nanggagaling sa dating senate president, iginagalang na isang public servant at ang Pangulo naman po ay hindi sarado ang pintuan sa mga ganiyang klaseng mungkahi at suggestion,” ayon kay Castro.
At nang tanungin si Castro kung may balak ang Pangulo na magpatawag ng special session o personal na makikipagpulong sa mga senador, sinabi ni Castro na ang bagay na ito ay pinag-uusapan na.
“Pinagmimitingan po iyan. Sa ngayon ay wala po tayong detalye,” aniya pa rin.
“Baka po bukas or mamayang hapon ay makakapagbigay po ako sa inyo ng detalye dahil pinag-uusapan na po ‘yan,” dagdag na pahayag ni Castro.
Ani Castro, ang paglutas sa Senate deadlock ay mahalaga dahil may ilang legislative measures ang nananatiling nakabinbin.
Winika pa niya na maaari ring humiling ng supplemental budget si Pangulong Marcos, gagawa ng koordinasyon sa pagitan ng Executive at Senate leadership kung kinakailangan. necessary.
“Of course, iyong mga nape-pending po na mga bills at katulad po ng sinabi ng Pangulo ay hihiling po yata ng supplemental budget, so kailangan po silang magkausap patungkol po dito,” anito. (KRIS JOSE)