Home NATIONWIDE Pax Silica, walang pondo sa 2027 budget ng BCDA

Pax Silica, walang pondo sa 2027 budget ng BCDA

1
0
Nagsagawa ng protesta ang mga miyembro ng women’s group na GABRIELA at mga kaalyadong organisasyon sa T.M. Kalaw Avenue sa Maynila noong Lunes, Nobyembre 9, laban sa nalalapit na pagbisita ni US President Donald Trump at sa panukalang Pax Silica initiative bago ang 49th ASEAN Summit.Bitbit ang mga banner na nananawagan sa pag-alis ni Trump sa Pilipinas at sa pagtanggi sa Pax Silica, ang mga nagprotesta ay nagtaas ng mga alalahanin sa mga potensyal na banta sa mga lupaing ninuno, mga kabuhayang pang-agrikultura, at pambansang soberanya.Ang demonstrasyon ay bahagi ng isang serye ng mga protesta na binalak bago ang inaasahang pagdating ni Trump sa Nobyembre 16. ERIC OCAPAN

MANILA, Philippines – Walang nakalaang pondo para sa kontrobersiyal na Pax Silica initiative sa panukalang 2027 budget ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), gayundin sa corporate operating budget ng ahensya para sa 2026 at 2027.

Ito ang kinumpirma ni Sen. Bam Aquino sa plenary deliberations ng Senado nitong Miyerkules, Nobyembre 25, matapos usisain ni Sen. Imee Marcos ang pondo para sa planong proyekto sa New Clark City, Tarlac.

Bilang sponsor ng panukalang ₱1.147-bilyong national government subsidy ng BCDA, sinabi ni Aquino na walang partikular na alokasyon para sa Pax Silica sa General Appropriations Bill o sa internally generated funds ng ahensya.

Kinumpirma rin niya ang impormasyon kay BCDA President Ariel Nepomuceno.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Marcos kung saan kukunin ang pondong gagamitin sa relokasyon, kompensasyon at pagpapanumbalik ng kabuhayan ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng proyekto.

Ayon sa senadora, may mga ulat na nakatanggap na ng eviction notices ang ilang residente at magsasaka, kabilang ang mga katutubo, habang may mga hinihikayat umanong lumagda sa mga quitclaim at waiver.

Itinanggi naman ng BCDA, sa pamamagitan ni Aquino, na nag-isyu ito ng mga naturang quitclaim.

Ipinaliwanag din ni Aquino na may ₱322 milyong pondo ang BCDA para sa financial assistance, ngunit hindi ito eksklusibong nakalaan sa mga maaapektuhan ng Pax Silica kundi para sa iba’t ibang lugar na saklaw ng ahensya.

Ayon sa BCDA, ang mga pribadong kumpanyang papasok sa proyekto ang inaasahang sasagot sa pisikal na development ng lugar, habang pangangasiwaan ng ahensya ang mga usapin sa mga komunidad.

Nang tanungin kung nangangako ang BCDA na walang residenteng palalayasin, lupang sakahang lilinisin o komunidad na ililipat hangga’t walang sapat na pondo at hindi natitiyak ang kanilang mga karapatan, kinumpirma ni Aquino ang pangako ng ahensya.

Samantala, lumitaw din ang magkakaibang bilang ng mga pamilyang posibleng maapektuhan ng proyekto.

Ayon sa BCDA, nasa 198 pamilya ang posibleng maapektuhan, ngunit may mga naunang pagtaya na umaabot sa 400 hanggang 1,000 pamilya.

Iminungkahi ni Aquino na makipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang matukoy ang aktuwal na bilang ng mga residente at katutubong posibleng maapektuhan.

Bukod sa relokasyon, binigyang-pansin din sa pagdinig ang inaasahang malaking pangangailangan ng proyekto sa kuryente at tubig, at ang posibleng epekto nito sa mga kalapit na komunidad at lupang sakahan.

Ayon sa BCDA, inaasahang bubuo ng sariling suplay ng kuryente ang mga kumpanyang magtatayo ng pasilidad upang hindi umasa sa kasalukuyang suplay mula sa Luzon grid.

Tiniyak din ng ahensya na hindi dapat mawalan ng access sa tubig ang mga residente o maapektuhan ang patubig ng mga magsasaka dahil sa proyekto.

Gayunman, nanawagan ang mga senador ng mas malinaw na impormasyon tungkol sa saklaw, pagpopondo at pagpapatupad ng Pax Silica bago ituloy ang mga hakbang na maaaring makaapekto sa mga komunidad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here