Home HOME BANNER STORY VP Sara, kinuwestiyon pagbasura ng SC sa reklamo sa ICC arrest kay...

VP Sara, kinuwestiyon pagbasura ng SC sa reklamo sa ICC arrest kay Digong

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto at pagsuko sa kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 25, iginiit ng Bise Presidente na hindi dapat basta isinasantabi ng mga korte ang mga petisyong may kaugnayan sa soberanya ng bansa at pangangalaga sa mga karapatan ng mga Pilipino.

Ayon kay Duterte, mahalagang matiyak na walang dayuhang hukuman o bansa ang mangibabaw sa soberanya ng Pilipinas.

Sinabi rin niyang may tungkulin ang pamahalaan na protektahan ang buhay, kalayaan at mga pangunahing karapatan ng bawat mamamayan.

Ginawa niya ang pahayag matapos ibasura ng Supreme Court (SC) noong Nobyembre 24 ang pinagsama-samang habeas corpus petitions na inihain ng kanyang mga kapatid na sina Sebastian, Veronica at Paolo Duterte.

Sa desisyon ng Korte, itinuring na moot o wala nang praktikal na remedyo ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands, ang dating Pangulo.

Ipinaliwanag ng SC na hindi na maaaring ipatupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus upang piliting iharap o palayain ang isang taong nasa kustodiya ng isang internasyonal na hukuman sa ibang bansa.

Gayunman, nilinaw ng Korte na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang nagpasya na ito kung legal o ilegal ang pag-aresto at pagsuko kay Duterte.

Inaresto ang dating Pangulo noong Marso 11, 2025 at dinala sa The Hague kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Samantala, inihayag ng kampo ng dating Pangulo na maghahain ito ng motion for reconsideration upang kuwestiyunin ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Patuloy na nakakulong si Duterte sa ilalim ng kustodiya ng ICC habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang kaso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here