MANILA, Philippines – Humingi ng tulong ang aktor na si John Arcilla sa National Bureau of Investigation (NBI) upang masuri kung tunay na labi ng kanyang mga namatay na alagang aso ang abo na ibinalik sa kanya ng pet cremation services.
Dumulog si Arcilla sa NBI nitong Miyerkules, Nobyembre 25, dala ang mga urn ng dalawa niyang alagang aso na sina Dindin at Yap-Yap.
Nabahala ang aktor kasunod ng kontrobersiya sa isang pet crematorium sa Cavite na iniimbestigahan matapos matagpuan ang mga bangkay ng mga aso at pusa sa Bulacan, sa halip na ma-cremate ang mga ito gaya ng ipinangako sa kanilang mga may-ari.
Ayon kay Arcilla, 12 sa kanyang mga alagang aso ang na-cremate sa tatlong magkakaibang establisimyento. Matagal na rin niyang iniingatan ang mga urn bilang alaala sa mga hayop na itinuring niyang bahagi ng kanyang pamilya.
Gayunman, nagkaroon siya ng pag-aalinlangan kung tunay na abo ng kanyang mga alaga ang mga laman nito matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa umano’y iregularidad sa pet cremation services.
Nilinaw ng aktor na hindi siya naging kliyente ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite, na kasalukuyang sangkot sa imbestigasyon.
Nagpasya siyang ipasuri ang dalawang urn upang malaman kung may batayan ang kanyang pangamba at makatulong na protektahan ang iba pang pet owner kung may matutuklasang iregularidad.
Nauna nang lumabas sa pagsusuri ng NBI na hindi mula sa labi ng hayop ang mga materyal na nakapaloob sa ilang urn na isinumite ng mga nagrereklamong kliyente ng kontrobersiyal na crematorium.
Nahaharap sa mga reklamong estafa at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act ang ilang indibidwal na iniuugnay sa operasyon nito.
Samantala, wala pang inilalabas na resulta ang NBI sa pagsusuri sa mga urn na dinala ni Arcilla. Dave Medina