ANTIPOLO CITY, Rizal — Arestado ang isang 34-anyos na high school teacher matapos umanong alukin ng ₱2,000 ang isang babaeng nursing student kapalit ng pakikipagtalik sa Barangay Dela Paz, Antipolo City.
Batay sa paunang impormasyon, naghihintay ng masasakyan ang 23-anyos na estudyante pasado alas-10 ng gabi noong Sabado, Nobyembre 21, nang lapitan siya ng suspek.
Noong una, inakala umano ng estudyante na nag-aalok ang lalaki ng motorcycle taxi service, ngunit kalaunan ay inalok na siya nito ng pera kapalit ng pakikipagtalik.
Tumanggi ang estudyante at lumayo, ngunit patuloy umano siyang pinilit ng lalaki.
Nakuha sa video ng estudyante ang bahagi ng insidente bago tumakbo ang suspek nang mapansing kinukunan na siya.
Hinabol ng estudyante ang lalaki habang humihingi ng tulong sa mga tao sa paligid. Ilang motorista ang humarang sa suspek, habang may mga sibilyang nanakit din sa kanya.
Ayon kay Marvin Mero ng Barangay Dela Paz Anti-Crime Unit, humingi ng paumanhin ang lalaki nang dalhin sa barangay.
Gayunman, tumanggi ang estudyante na makipag-areglo kahit nag-alok pa umano ng karagdagang pera ang suspek.
Sinabi rin ng estudyante na lalo siyang naging determinado na ituloy ang reklamo matapos siyang payuhang huwag nang magsampa ng kaso dahil masasayang lamang umano ang kanyang oras at pera.
Nabatid ng mga opisyal ng barangay na isang lisensiyadong guro ang suspek matapos nitong ipakita ang kanyang Professional Regulation Commission (PRC) identification card.
Dinala ang lalaki sa Antipolo City Police Station para sa kaukulang proseso.
Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng detalyadong pahayag at sinabing ipauubaya niya sa kanyang abogado ang pagpapaliwanag sa insidente.
Nahaharap ang guro sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, na nagpaparusa sa mga hindi kanais-nais na seksuwal na pananalita, imbitasyon at iba pang uri ng sexual harassment sa mga pampublikong lugar.
Wala pang opisyal na pahayag ang Department of Education (DepEd) kaugnay ng insidente at posibleng administratibong pananagutan ng guro. Mary Anne Sapico