Home METRO Firetruck hinarang ng kotse sa Maynila; pagresponde sa sunog naantala

Firetruck hinarang ng kotse sa Maynila; pagresponde sa sunog naantala

1
0

MANILA, Philippines – Naantala ang pagresponde ng isang firetruck sa sunog sa Sta. Mesa, Maynila matapos itong harangan ng isang pribadong sasakyan na tumangging magbigay-daan sa kabila ng emergency.

Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), patungo ang firetruck sa isang sunog noong Martes, Nobyembre 24, nang magkaroon ito ng banggaan sa isang pribadong kotse.

Makikita sa CCTV footage na hindi nagbigay-daan ang motorista kahit patuloy na tumutunog ang sirena ng firetruck.

Ipinaliwanag umano ng driver ng firetruck na maaari namang maghain ng reklamo ang motorista matapos ang emergency upang maresolba ang nangyaring banggaan.

Gayunman, tumanggi pa ring umalis sa daan ang driver ng kotse.

Ayon kay BFP spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo, naapula na ang sunog nang makarating ang firetruck sa lugar.

Binigyang-diin ni Arroyo na may pananagutan sa ilalim ng Republic Act No. 9514 o Fire Code of the Philippines ang sinumang hahadlang sa firefighting, rescue at emergency medical operations.

Maaari umanong umabot sa ₱50,000 ang multa sa naturang paglabag, bukod pa sa posibleng parusa sa ilalim ng mga batas-trapiko.

Sa ilalim naman ng Section 49 ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code, obligadong tumabi at huminto ang mga motorista upang bigyang-daan ang mga firetruck, ambulansya at sasakyang pulisya na rumeresponde sa emergency.

May umiiral ding ordinansa sa Maynila na nagbibigay ng prayoridad sa mga emergency vehicle, kung saan maaaring magmulta ng ₱5,000 ang mga lalabag.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung pinatawan na ng kaukulang parusa ang motoristang sangkot sa insidente.

Muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko na agad magbigay-daan sa mga emergency vehicle dahil maaaring malagay sa panganib ang buhay at ari-arian kapag naaantala ang pagresponde ng mga awtoridad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here