MANILA, Philippines – Walang pasok o suspendido ang face-to-face classes sa ilang lugar at paaralan sa bansa ngayong Huwebes, Nobyembre 26, dahil sa lokal na pagdiriwang, mataas na heat index at mga mag-aaral na nakararanas ng flu-like symptoms.
Batay sa mga anunsiyo ng lokal na pamahalaan at mga paaralan, kabilang sa mga apektado ang sumusunod:
CAVITE
Dasmariñas City – Idineklara ang special non-working day sa buong lungsod bilang paggunita sa Founding Anniversary nito.
Nakasaad ang deklarasyon sa Proclamation No. 1507, na nilagdaan noong Nobyembre 4, 2026, sa bisa ng awtoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
BATANGAS
Philippine Science High School–CALABARZON Campus, Batangas City – Pansamantalang lilipat sa online learning ang mga klase mula Nobyembre 26 hanggang 27 matapos makaranas ng flu-like symptoms ang ilang estudyante.
BACOLOD CITY
Bacolod City National High School – Suspendido ang face-to-face classes at ipatutupad ang Alternative Delivery Mode (ADM) dahil sa inaasahang mataas na heat index.
Layunin ng pagbabago sa learning setup na maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang kanilang pag-aaral.
Samantala, pinapayuhan ang mga magulang at estudyante na subaybayan ang mga opisyal na anunsiyo ng kani-kanilang paaralan at lokal na pamahalaan dahil maaari pang madagdagan ang mga lugar na magdedeklara ng suspensyon o pagbabago sa klase. RNT