Home NATIONWIDE Multi-billion funds sa FAP, ginamit ng Kamara sa ghost flood control projects...

Multi-billion funds sa FAP, ginamit ng Kamara sa ghost flood control projects – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni Senador Panfilo Lacson na inilagay ng ilang tiwaling kongresista ang multi-bilyong pondo na nakalaan sa foreign assisted projects (FAP) tulad ng underground tunnel sa Makati sa flood control projects na pawang subsgtandard kundi man ghost projects.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na sanhi ng ganitong estilo ng Kamara sa “power of the purse, umaabot sa mahigit P600 milyong public funds ang napupunta lamang sa commitment fees at penalties na maaaring magamit sa ibang programa ng pamahalaan.

“Hindi bababa sa P600 milyon ang pondong-bayan na napunta sa pagbabayad ng commitment fees at penalties para sa mga foreign-assisted project (FAP) na hindi naipatupad, habang posibleng napunta naman sa mga maanomalyang flood control project ang mga pondong ni-realign mula sa mga proyektong ito, ayon  Lacson nitong Miyerkules.

Sinabi ni Lacson na maaaring nag-ugat ito sa paggamit ng Kongreso ang “power of the purse” nito upang ilipat ang mga pondong nakalaan para sa FAPs, dahilan para magbayad ang gobyerno ng fees at penalties — at sa huli, ang taumbayan ang sumalo sa gastos.

“During our budget plenary debates last Monday, it was revealed that we already paid US$1.5 million and US$8 million in commitment fees and penalties because foreign-assisted projects were not implemented. This may be because Congress moved the funds elsewhere using its ‘power of the purse.’ Together, that’s about ₱600 million of public money wasted,” aniya sa X.

“And worse, we have good reason to suspect, most probably, the realigned FAP funds went to some ghost and substandard flood control projects,” dagdag niya.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget nitong Lunes, sinabi ni Lacson na naibalik ng Senado ang pondo para sa FAPs sa bersyon nito ng panukalang batas, ngunit may pagbabago sa komposisyon ng naturang pondo.

Binanggit din niya na may ilang proyekto na hindi naibalik nang buo sa orihinal na alokasyon ng mga ito sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Naglaan ang NEP ng P271.22 bilyon mula sa loan proceeds, P145.37 bilyon bilang counterpart funds ng gobyerno, at P42.55 bilyon bilang unprogrammed support para sa FAPs. Ibinaba naman ng Kamara ang kabuuang alokasyon sa P328.45 bilyon, na binubuo ng P167.72 bilyon mula sa loan proceeds, P118.17 bilyon na government counterpart funds, at P42.55 bilyon na unprogrammed support.

Bagama’t naibalik sa P459.16 bilyon ang kabuuang alokasyon sa bersyon ng Senado, nagbago naman ang komposisyon nito: P223.41 bilyon mula sa loan proceeds, P133.4 bilyon na government counterpart funds, at P102.34 bilyon na unprogrammed support.

Isa sa mga proyektong binanggit ni Lacson ang Laguna Lakeshore Road Network, na may P35.209 bilyong alokasyon sa NEP. Ibinaba ito ng Kamara sa P8.209 bilyon, habang bahagya lamang itong naibalik ng Senado sa P22.209 bilyon.

Sinabi ni Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito na kinailangang magbayad ang gobyerno ng US$1.5 milyon na commitment fees noong 2024 at US$8 milyon noong 2025.

“Wasted. Is that good economic sense? Definitely not. And these are long-term, high-impact projects. Di na implement because ni-realign ng Congress ang budget,” ani Lacson.

Gayunman, sinabi niyang may panahon pa upang maiwasan ang karagdagang pagbabayad ng commitment fees sa pamamagitan ng paggawa ng mga kinakailangang pagwawasto sa panukalang budget bill at ganap na pagbabalik sa mga alokasyon para sa FAPs sa antas na itinakda ng NEP.

Noong Martes, itinulak ni Lacson ang muling pagsusuri sa mga prayoridad ng gobyerno sa paggastos sa gitna ng lumalalang kalagayan ng ekonomiya. Kinuwestiyon niya ang pangangailangang maglaan ng P54 bilyon para sa mga multipurpose building at P85 bilyon para sa magkakahiwalay na programang ayuda na hindi kabilang sa 4Ps para sa 2027.

Samantala, sinabi ni Lacson na nakakita siya at ang kanyang team ng hindi bababa sa 30 multipurpose building na may magkakapatong na alokasyon, gayundin ng hindi bababa sa isang flood control project sa Zamboanga na dalawang beses pinaglaanan ng pondo sa panukalang 2027 budget.

Muli niyang hinimok ang mga mambabatas na magsakripisyo alang-alang sa nation-building at paglago ng ekonomiya. “The ball is in our court. We must do our part,” aniya.

“Ito naman ang pagkakataon na dapat magsakripisyo ng kaunti ang Congress. The ball is in our court. We must do our part… Can we at least do our part for nation building (for) economic growth instead of the usual more of the same misplaced priorities?” dagdag pa niya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here