Home NATIONWIDE Overcharging ng gas station sa motorista, pinababalik ni Hontiveros sa DOE

Overcharging ng gas station sa motorista, pinababalik ni Hontiveros sa DOE

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Energy (DOE) na magtatag ng paraan para mabawi ng motorista ang perang sobra nilang nabayaran matapos ang ulat na may gasoline station na hindi nagpatupad ng mga mandated fuel price rollbacks.

Sa budget deliberations sa panukalang 2027 budget ng DOE, ibinahagi ni Hontiveros ang mga reklamo ng mga motorista na nagsasabing mabilis magtaas ng presyo ang mga gasolinahan kapag tumataas ang presyo ng langis, ngunit mabagal magbaba kapag bumababa ang presyo.

“Yan ang nireklamo na mga motorista, pag price increase, ang bilis taasan, pero pag price decrease ang bagal,” sabi ni Hontiveros. “So, in effect napupwersang magbayad ng overpriced rates kada litro ang consumers. Kailangang mabawi ng mga motorista ang sobrang siningil sa kanila.”

Naging mas apurahan ang isyu habang bumaba ang presyo ng gasolina sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo simula Nobyembre 10. Sa kabuuan ng mga rollback na iyon, bumaba ang presyo ng gasolina ng ₱21.30 kada litro, diesel ng ₱10.50, at kerosene ng ₱11.10.

Nanawagan si Hontiveros sa DOE na magtatag ng malinaw na refund mechanism, na magpapahintulot sa mga motorista na may resibo na mabawi ang overcharges o ibawas ito sa susunod na pagbili.

Sinabi ng DOE, sa pamamagitan ng budget sponsor nitong si Senator Pia Cayetano, na pinag-aaralan pa rin nila kung paano magbibigay ng refunds o kabayaran sa mga apektadong motorista.

“Mayroon din bang pinag-aaralan ng DOE na paraan na kung hindi direct siyang i-refund, pag natabi nung customer yung resibo nila, pagbalik doon sa gasolinahan kung saan sobra pala ang binayad nila noon, may paraan ba na ma-offset yung susunod na babayaran nila?”, tanong ni Hontiveros.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat tiyakin ng DOE na ganap na ipatutupad ng mga gasolinahan sa buong bansa ang pinakabagong rollback at panagutin ang mga retailer na nag-overcharge. “Ngayon din mismo may big-time na rollback sa presyo ng petrolyo. Paano titiyakin ng department na tama yung presyo sa gas stations nationwide?” tanong niya.

Naglabas na ang DOE ng show-cause orders sa 259 gas stations dahil sa kanilang kabiguang sundin ang mga price adjustments. Sinabi ng departamento na maaari nitong parusahan ang mga hindi sumusunod na retailer, kabilang ang pagkansela ng kanilang mga permit sa pinakamalalang kaso.

Gayundin, nangako ang ahensya na magsasagawa ng fuel price monitoring nang walang karagdagang pondo, at sinabing sakop ito ng mandato nito at may suporta ito mula sa Department of Local and Interior Government, local government units, at Philippine National Police.

“Kung itatama man ang presyo matapos ang inspeksyon, may paglabag pa rin sa parte ng mga gasolinahan. May mga motoristang nakabili na at nagbayad ng sobra. Dapat maibalik sa kanila ang sobrang singil sa lalong madaling panahon lalo na ngayong papalapit ang Pasko,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here