BUKIDNON, Philippines – Umani ng malawakang reaksiyon online ang isang hindi pinangalanang liham na iniwan sa isang poste sa Atugan Bridge, na nananawagan ng kabaitan at pag-unawa sa mga taong dumaranas ng matinding problema sa kalusugang pangkaisipan.
Nakasulat sa Cebuano at English ang mensahe ng isang indibidwal na nagpakilalang nakaligtas sa matinding depresyon. Idinikit ito sa isang konkretong poste sa tulay na may taas na 64.5 metro at may kalakip na mobile number na maaaring tawagan ng mga taong nangangailangan ng makakausap.
Kinunan ng larawan ng mga dumaraan ang liham at ibinahagi sa social media, kung saan mabilis itong kumalat.
Sa mensahe, hinikayat ng sumulat ang mga taong may pinagdaraanan na huwag sumuko. Nanawagan din ito sa publiko na itigil ang pangungutya at panghuhusga sa mga indibidwal na nakararanas ng krisis sa mental health.
Binigyang-diin ng sumulat na kahit simpleng pangungumusta at pagpapakita ng malasakit ay maaaring makatulong upang mailigtas ang isang buhay.
Lumabas ang liham ilang araw matapos mamatay ang isang dating seminarista at guro na iniulat na nasawi matapos ang isang insidente sa tulay noong Nobyembre 16.
Batay sa mga tala ng pulisya at lokal na disaster response team, ilang insidente na rin ng pagkamatay at mga pagtatangkang saktan ang sarili ang naitala sa Atugan Bridge sa kahabaan ng Sayre Highway ngayong taon.
Ilan sa mga naunang insidente ay naiulat noong Pebrero 17 at Agosto 8. Napigilan naman ng mga pulis, rescue team at alertong motorista ang ilang iba pang insidente noong Agosto at Setyembre.
Sa huling bahagi ng liham, hinimok ng sumulat ang komunidad na magpakita ng pasensya, pang-unawa at suporta sa mga taong dumaranas ng mabibigat na pagsubok. RNT/MDS