TAGUIG CITY, Philippines – Arestado ang isang lalaking kabilang sa Regional Level Most Wanted Persons dahil sa kasong robbery with homicide sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Barangay Rizal, Taguig City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Pogi,” residente ng Taguig City.
Batay sa ulat, naaresto ang suspek dakong alas-6:50 ng umaga noong Nobyembre 24, 2026, sa bisa ng warrant of arrest na ipinatupad ng mga tauhan ng Ternate Municipal Police Station (MPS) Warrant Personnel, katuwang ang Cavite Provincial Intelligence Unit.
Inisyu ang warrant noong Oktubre 28, 2026 ng Regional Trial Court (RTC) Branch 69, Fourth Judicial Region, sa Binangonan, Rizal, kaugnay ng paglabag sa Article 294(1) ng Revised Penal Code.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Ternate MPS habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso. Margie Bautista