Home OPINION ANYARE NA NGAYON SA MARCOS ADMIN?

ANYARE NA NGAYON SA MARCOS ADMIN?

1
0

BAWAT tatayong administrasyon, dahil pinagkakatiwalaan at itinayo ang mga ito ng nakararaming mamamayan sa bisa ng mga halalan, nais natin silang magtagumpay sa paninilbihan sa sambayanan.

Maging ang administrasyong Bongbong Marcos, nais din nating magtagumpay.

Subalit paano kung mabigo ang bawat bagong administrasyon na tugunan ang panalangin ng sambayanan na makapagbibigay ng aktuwal na pagbabago tungo sa pag-unlad at paglaya sa kahirapan at kawalan ng pag-asa sa hinaharap?

Nagtatanong tayo, mga Brod, dahil sa pagbatikos ng dalawang senador ng mayorya sa nagaganap sa Pilipinas ukol sa hindi magandang pang-ekonomiyang kalagayan nito?

PABULUSOK NG KALAGAYAN

Ayon kay Senador Ping Lacson, lumaki ang Gross Domestic Product ng Vietnam sa ikatlong kwarto ng 2026 sa 9.95%; Indonesia – 5.4%; Singapore – 5.4%; at Malaysia – 5.3%.

Ang Pilipinas? Nasa 2.1%.

Narito ang mga halaga: Para sa Indonesia – $1,479.95 bilyon o $1.48 trilyon; Singapore – $667.89B; Malaysia – $547.10B; Vietnam – $542.13B.

Ang Pinas? $501.69B.

Hindi sang-ayon si Lacson sa rason na pangungahing bumagsak o bumagal ang ekonomiya dahil sa giyera ng United States at Iran na nagpamahal nang todo sa langis na nakaapekto sa Pinas dahil ang nabanggit na ibang mga bansa, eh, hindi naman bumagsak kahit tinamaan din sila ng krisis sa langis.

Dagdag ang pagpapanukala ng Malakanyang ng P41B para sa multi-purpose building na ginawang P84.7B ng Kamara bilang paningit o insertion, bukod pa ang insertion din ng Kamara na P263B ayuda.

Lahat ng ito, ayon kay Lacson, ay hindi makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya, kasabay ng pagsasabing napupuluputan ang mga ito ng korapsyon.

Sa parehong batayang pagbagsak o pagbagal ng ekonomiya, sinabi naman ni Sen. Migz Zubiri na tila wala nang pag-asa para makabangon pa ang Pinas sa kinasasadlakan nitong masamang kalagayan.

Ang remedyo? Kailangang mapalitan na ang liderato ng bansa ng mga “competent” na lider sa darating na halalang 2028.

Kasabay nito ang pagpapasinungaling ni Zubiri sa paratang ni ex-Public Works Secretary Manny Bonoan na may may sariling P20 bilyong leadership fund siya noong siya pa ang Senate President at may nasa P500M share ang bawat senador.

May P380.48B din noong 2024 na insertion din ni ex-House Speaker Martin Romualdez para sa taong 2024 at P436B noong 2025 para sa DPWH na dito bilyon-bilyong piso ang napunta umano kay Romualdez.

Sa kabila ng pagsusumbong ni Bonoan kay Pangulong Bongbong Marcos ukol sa mga nasabing insertions para sa korapsyon, pinirmahan pa rin nito ang mga nasabing pambansang badyet, maliban lang sa mahigit P194B na binuo ng DPWH at unprogrammed funds na vineto nito noong 2025.

Lumabas ang mga alegasyon na ito sa affidavit ni Bonoan bilang saksi laban kay Romualdez sa Sandiganbayan kamakailan lang.

ANYARE NA?

Dahil sa pagbatikos ng dalawang senador sa nagaganap sa gobyernong Marcos, hindi lang sa masamang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa kundi sa matinding korapsyon, nag-iisip tuloy ang marami.

Nabigo ba ang gobyernong Marcos sa pangakong matapat at magandang pamamahala at may pagtataksil ba sa tiwala ng taumbayan?

May posibilidad ba na kumalas sa pamahalaang Marcos ang dalawang senador na ito na kasalukuyang miyembro ng mayorya ng Senado at kaalyado ng administrasyong Marcos?

Sey n’yo, mga Brod?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here