Home OPINION IKAW PA RIN BA IYAN, KABAYAN?

IKAW PA RIN BA IYAN, KABAYAN?

1
0

KILALA ang mga Pilipino sa pagiging mabait, matapat, mapagkawanggawa at higit sa lahat, mahinahon sa pakikitungo sa kapwa. Bahagi ito ng ating pagkakakilanlan at kulturang ipinagmamalaki saan mang panig ng mundo. Pero mukhang dati pa ito. Dahil sa panahon ngayon, tila nawawala na ang ganitong pag-uugali sa ilan nating mga kababayan. Pasensya na, dear readers, pero ito ang ating naobserbahan.

Bakit sa kaunting pagkakamali ng iba ay nagkakasigawan, may pang-iinsulto at bangayan? Ang mas nakababahala pa ay may mga pagkakataong dahil lamang sa napakaliit ng bagay ay nauuwi ito sa pisikal na pananakit at matinding karahasan. Ang masaklap ay mayroon pang nagbuwis ng buhay dahil lamang sa road rage, alagang aso, barya, isyu sa paradahan at iba pa. Hindi na ito normal, hindi ito ang kulturang Pilipino.

Hindi ba’t magkababayan tayo? Bakit tila mas pinipili nating maging kalaban ang isa’t isa kaysa maging maunawain at mapagbigay? Sa lansangan, pilahan ng pampublikong sasakyan, opisina, social media at minsan pa ay sa loob ng sariling tahanan. Ganoon na ba tayo kadamot para magbigay ng respeto at pang-unawa sa pamilya at kapwa?

Pwedeng sabihin na bunga ito ng matinding stress, problema sa kabuhayan, pagod at samu’t saring personal na pinagdaraanan. Ngunit hindi kailanman sapat na dahilan ang mga ito upang manakit, manghamak o magpakita ng karahasan.

Ang pagiging mahinahon ay hindi tanda ng kahinaan. Hindi rin nangangahulugang kailangan nating manahimik sa harap ng kamalian. Maaari namang manindigan nang hindi nawawala ang respeto habang ipinapahayag ang saloobin nang hindi kailangang manakit o mang-insulto.

Panahon na upang ibalik ang pagpapahalaga sa respeto, pasensya at malasakit. Hindi lahat ng argumento ay kailangang panalunan. Hindi lahat ng insulto ay kailangang gantihan. At hindi lahat ng pagkakamali ng kapwa ay dapat tumbasan ng karahasan.

Ang tunay na lakas ng isang Pilipino ay hindi nasusukat sa lakas ng kanyang boses at tibay ng kamao, kundi sa kakayahan niyang magtimpi, umunawa at manatiling makatao kahit lamang siya sa katuwiran at katarungan.

Bago tayo lubusang maging marahas sa ating kapwa, tanungin muna natin ang ating mga sarili- ako pa ba ito, ang mabuting Pilipino?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here