Home OPINION MAS PINALAWAK NA BENEPISYO, MAS MABILIS NA SERBISYO IHAHATID NG PHILHEALTH SA...

MAS PINALAWAK NA BENEPISYO, MAS MABILIS NA SERBISYO IHAHATID NG PHILHEALTH SA 2027

4
0

MAS maraming benepisyo at mas pinabilis na serbisyong pangkalusugan ang naghihintay para sa bawat pamilyang Pilipino sa pagpasok ng taong 2027.

Sa ginanap na PhilHealth Forward na may temang “UNA sa Kalusugan, Mas Pinalawak na Benepisyo para sa Bawat Pilipino,” inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga bago at pinahusay nitong benefit packages, kasabay ng mga reporma sa kanilang operasyon. Dinaluhan ang nasabing pagtitipon nina Acting Health Secretary Dr. Edwin Mercado, Finance Secretary Frederick Go, PhilHealth Acting PCEO Dr. Beverly Ho, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang medical societies at civil society organizations.

Layunin nitong isakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang Universal Health Care sa bawat Pilipino.

Ayon kay Dr. Beverly Ho, nakatuon ang lahat ng pagbabagong ito sa pagtiyak na maaasahan ng mga miyembro ang ahensya sa oras ng pangangailangan. “Ang PhilHealth ay para sa ating lahat. Every benefit package and operational improvement is meant to make sure that our members can count on PhilHealth when they’re in need,” pahayag niya.

Suportado rin ng Department of Finance (DOF) ang mga inisyatibang ito. Binigyang-diin ni Sec. Frederick Go na ang pamumuhunan sa kalusugan ng mamamayan ay pamumuhunan din sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa. Tiniyak niya na handa ang DOF na maglaan ng sapat na pondo upang masigurong abot-kaya at de-kalidad ang serbisyong medikal para sa lahat.

Mga Bago at Pinahusay na Benepisyo

Kabilang sa mga inaprubahan ng PhilHealth Board ang mga sumusunod:

Maternal at Gynecologic Care: Mas pinalawak na maternity care benefits at mas mataas na case rates para sa mga piling serbisyong medikal ng kababaihan.

Mga Bagong Coverage: Saklaw na rin ang pagpapagamot para sa moderate to severe leptospirosis, pati na ang Z Benefit Package para sa mga batang may developmental disabilities.

Dagdag-Suporta sa mga Sektor: Ilulunsad din ang PhilHealth TAPAT, pagpapalakas sa programang YAKAP, at espesyal na tulong para sa mga kwalipikadong solo parents at persons with disabilities (PWDs).

Mas Mabilis at Maginhawang Transaksyon

Kasabay ng paglawak ng mga benepisyo ang pagpapabilis sa sistema ng ahensya. Base sa ulat ng PhilHealth sa kanilang First 100 Days sa ilalim ng Unified National Agenda for Health (UNA), bumilis na sa average na 17 araw ang pagbabayad ng claims, habang paiikliin na rin sa 7 araw ang accreditation ng mga healthcare providers.

Sa 2027, asahan din ang mas maraming serbisyo ng PhilHealth sa eGovPH Super App at ang pagdaragdag ng mga No Balance Billing beds sa mga pribadong ospital.

Lumalawak na Abot sa Komunidad

Ramdam na rin sa mga komunidad ang paglakas ng primary care. Mula noong Hulyo 31, tumaas nang 43% ang bilang ng mga Pilipinong naitalaga sa isang YAKAP clinic, habang umakyat naman nang 37% ang bilang ng mga sumailalim sa health risk screenings o First Patient Encounters.

Inaasahang mas tataas pa ang bilang na ito sa susunod na taon matapos makipag-ugnayan ang PhilHealth upang ma-empanel ang mga kawani at nasasakupan ng DepEd, DILG, at BJMP.

Sa pamamagitan ng mas malawak na saklaw, mas mabilis na sistema, at mas matibay na pakikipagtulungan sa mga sektor, nakatakdang maging isang makasaysayang taon ang 2027 para sa pagkamit ng tunay na Universal Health Care sa Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here