MAGUINDANAO DEL NORTE — Patay ang dalawang sundalo ng Philippine Army matapos na pagbabarilin ng mga lalaking sakay ng motorsiklo sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, nitong Martes, Nobyembre 24.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-2:50 ng hapon sa Crossing Simuay Junction habang magkasakay sa isang motorsiklo ang dalawang sundalo.
Kapwa nakatalaga sa 40th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang mga biktima.
Ayon sa pulisya, bumibiyahe ang mga sundalo mula North Cotabato patungong Cotabato City nang sundan sila ng dalawang armadong lalaki na nakasakay sa isa pang motorsiklo.
Pagdating sa Crossing Simuay, pinaputukan umano ng mga suspek ang dalawang sundalo, na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital.
Kapwa nasawi ang dalawang sundalo.
Samantala, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya katuwang ang militar, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.
Ayon sa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region, nasita ang mga suspek sa isang checkpoint sa Rebuken, Sultan Kudarat matapos tumugma ang kanilang mga deskripsiyon sa impormasyong ibinigay ng mga testigo.
Nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang dalawang naaresto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga sinisilip na posibleng motibo ang kaugnayan ng pag-atake sa trabaho ng mga biktima at personal na alitan, bagama’t wala pang pinal na natutukoy na dahilan ng pamamaril.
Patuloy ang pangangalap ng ebidensiya ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at maisampa ang kaukulang mga kaso. Mary Anne Sapico