MANILA, Philippines – Iginiit ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Marvic Leonen na dapat pinagpasiyahan ng Korte Suprema ang legalidad ng pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), sa kabila ng pagbasura sa mga petisyon laban dito.
Sa kanyang 58-pahinang concurring and dissenting opinion, sumang-ayon si Leonen sa pagbasura sa mga habeas corpus petition dahil wala na sa kustodiya ng pamahalaan ng Pilipinas si Duterte.
Gayunman, tinutulan niya ang hindi pagtalakay ng mayorya ng Korte sa mahahalagang usaping konstitusyonal na maaaring maulit sa mga susunod na pag-aresto.
Ayon kay Leonen, dapat munang iniharap si Duterte sa isang lokal na korte bago siya isinuko sa ICC upang matiyak na nasunod ang kanyang mga karapatan at ang wastong proseso ng pag-aresto.
Sa ilalim ng Article 59 ng Rome Statute, kailangang agad na iharap sa isang competent judicial authority ang taong inaresto sa bisa ng ICC warrant upang masuri ang legalidad ng proseso at kung iginalang ang kanyang mga karapatan.
Binigyang-diin ni Leonen na hindi nabigyan si Duterte ng pagkakataong humiling ng pansamantalang paglaya sa isang lokal na korte bago siya dinala sa The Hague, Netherlands.
Inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 sa Ninoy Aquino International Airport at isinuko sa ICC sa araw ding iyon kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Para kay Leonen, ang kawalan ng judicial review bago ang pagsuko sa dating Pangulo ay paglabag sa kanyang karapatang hindi basta maaresto nang walang wastong proseso.
Gayunman, nilinaw ng mahistrado na hindi nangangahulugang dapat makaiwas si Duterte sa pananagutan sa ICC dahil lamang sa mga kuwestiyon sa paraan ng kanyang pag-aresto.
Iginiit niyang mahalagang tiyakin ang pagsunod sa Konstitusyon at mga karapatang pantao anuman ang pagkakakilanlan ng isang akusado.
Nauna nang ibinasura ng Korte Suprema noong Nobyembre 24 ang pinagsama-samang habeas corpus petitions na inihain ng mga anak ni Duterte.
Ayon sa mayorya ng Korte, naging moot na ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng ICC ang dating Pangulo at wala nang kapangyarihan ang mga korte sa Pilipinas na ipatupad ang writ of habeas corpus sa ibang bansa.
Gayunman, nilinaw ng SC na hindi nangangahulugan ang pagbasura sa mga petisyon na napatunayang legal ang pag-aresto at pagsuko kay Duterte o walang nalabag na karapatang konstitusyonal.
Samantala, sinabi ng kampo ni Duterte na maghahain ito ng motion for reconsideration laban sa desisyon ng Korte Suprema.
Nakatakdang simulan ang paglilitis sa dating Pangulo sa ICC sa Nobyembre 30, 2026. RNT