Home METRO Tsuper ng taxi utas sa nakaalitan sa drive thru sa Pasay

Tsuper ng taxi utas sa nakaalitan sa drive thru sa Pasay

204
0

MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong murder ang lalaking suspect na bumaril at nakapatay sa isang taxi driver dahil lamang sa pagpila sa drive-thru ng isang fastfood chain sa Pasay City Martes ng gabi, Oktubre 8.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge PCol. Samuel Pabonita ang biktima na si Andrew Luzana.

Base sa report na isinumite ni Pabonita kay Southern Police District (SPD) director PBGen. Bernard Yang, naganap ang pamamaril sa tapat ng isang hotel sa Barangay 183, Pasay City.

Ayon sa imbestigasyon ng Pasay City police, minamaneho ng biktima ang kanyang taxi na may kasamang isa pang di napangalanang lalaki kung saan galing pa ang mga ito sa Valenzuela at naisipang dumaan sa drive-thru ng isang fastfood chain.

Dito nagsimula ang lahat makaraang magkaroon ng gitgitan ng sasakyan sa pila sa drive-thru ang biktima sa isang pribadong sasakyan.

Bumaba ang biktima sa kanyang taxi at kinompronta ang driver ng kanyang nakagitgitang sasakyan at makaraan lamang ang ilang segundo ay nagkasuntukan na ang dalawa.

Naawat naman ang biktima at ang suspect sa kanilang pag-aaway ngunit sa halip na umiwas ay inabangan pa di-umano ng biktima na makaalis ang sasakyan ng kanyang nakaaway at sinundan pa ito ngunit nang makita niya na iba na ang nagmamaneho ng sasakyan ay nagdesisyon itong bumalik at pumarada sa gasoline station na malapit sa fastfood chain.

Habang naglalakad ang biktima papunta sa may hotel ay nakita niya ang suspect na may kasama pang isang lalaki kung saan sinugod ng biktima na armado ng isang kutsilyo ang dalawa ngunit tumakbo na ang kasama at hinarap siya ng suspect na armado naman ng baril kung kaya’t inunahan na siya at pinutukan ng ilang beses na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan.

Sa patuloy na imbestigasyon ay natukoy na ng Pasay City police ang nagmamay-ari ng sasakyang ginamit ng mga suspect.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng hot pursuit operation ang Pasay City police para sa ikadarakip ng suspect upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here