SA nakalipas nakalipas na 37 taon, nananatiling walang pangil ang paninindigan ng 1987 Constitution laban sa mga political dynasty.
Tatlong buwan na ang nakalipas nang maghain si Sen. Robinhood Padilla ng panukalang pagbabawal sa political dynasties. Ang ganoong pagtatangka mula sa isang bagitong mambabatas ay malaki ang tiyansang walang mararating, gaya ng naunang ginawa ng beteranong senador na si Grace Poe noong 2022.
Namamayagpag sa Kongreso ang mga naghaharing angkan ng mga politiko kaya hinding-hindi ipapasa ng mayorya ang isang panukalang magiging banta sa kanilang pamamayagpag.
Kaya naman hindi na nakakagulat na bumida sa nakalipas na linggo ng paghahain ng certificates of candidacies ang pami-pamilya na parang family affair o sabihin na nating piyestang pampamilya.
Wala na bang iba?
Ang bulok na kalakarang ito ay matagal nang umiiral maging sa pinakamatataas na posisyon sa gobyerno. Tingnan na lang natin, bilang halimbawa, ang huling nadagdag sa Gabinete ni President Bongbong — siya mismo ay produkto ng angkan na naluklok sa kapangyarihan sa Norte sa loob ng tatlong henerasyon.
Sa dinami-rami ng pinakamahuhusay at pinakamatatalino sa bansang ito ng 119 milyong katao, pinili niya ang kapatid ng Secretary of Justice para maging kalihim ng Interior and Local Government. Bukod pa rito, ang isa pa nilang kapatid na lalaki ay una nang naitalaga sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Kaya paano naman nating matutuldukan ang mga political dynasties upang mapalakas ang ating demokrasya, kung mismong ang ating Punong Ehekutibo ay naniniwala sa ideya ng monopolyang pulitikal sa kanyang Gabinete na mas maliit pa sa Senado.
Nakaambang panganib
Muling nabuhay sa mga balita ang isang karakter sa mas mainam nang kalimutan na lang: si Kerwin Espinosa. Walang nagawa ang paghingi niya ng tawad kay Leila de Lima para mabura ang pinsalang idinulot ng kanyang pagsisinungaling para masiraan ang isang inosenteng babae. Ang maling pagkakapiit kay De Lima ay nananatiling walang kapatawaran — isang krimen kung saan mahusay na nagampanan ni Espinosa ang kanyang papel.
Makalipas ang maraming taon, balik sa eksena sa harap ng publiko ang self-confessed drug lord, umaapela ng hustisya para sa ama niyang pinatay. Sana ay pinili na lang niyang manahimik, pero hindi magandang tingnan ang panawagan niyang ito sa biglaan niyang paglutang muli dahil isinabay pa talaga sa paghahain niya ng kandidatura para maihalal na alkalde ng Albuera sa Leyte.
Sa puntong ito, mahirap yatang tingnan ito sa anggulo ng pagpapakadakila bilang anak. Kung totoong ito ang hangad ni Espinosa, pinagtuunan na lang sana niya ng pansin ang paglilinis sa pangalan niya at ng kanyang ama — o kahit huwag na — kaysa maghangad ng kapangyarihan para sa kanyang sarili mula sa mga kaguluhang isinisisi rin talaga sa kanya.
Marapat na ilang beses na mag-isip ng maigi ang mga botante bago ihalal ang isang taong maraming taon na tumakbo para makaiwas sa mga may kapangyarihan na ngayon ay tumatakbo para maging makapangyarihan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






