Mabibigyan na ng mas malakas na proteksiyon ang mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon matapos lagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11996 o mas kilala bilang Eddie Garcia Law noong ika-30 ng Setyembre 2024.
Nilagdaan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma ang IRR o Department Order No. 246, Series of 2024, sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.
Sinabi ni Hero Clarence Bautista, na kumakatawan sa sektor ng mga manggagawa, na maituturing na isang regalo ngayong Pasko ang IRR para sa mga miyembro ng industriya ng pelikulang Pilipino para sa pagtatatag ng maayos na ugnayan sa pagitan ng mga producer at manggagawa.
“Nawa’y ito’y maging hudyat ng maayos na pagtatrabaho sa ating lugar-paggawa at maging disiplina sa ating lahat bilang manggagawa, dahil ang oras ng trabaho ay napakahalaga lalo na sa kalusugan ng lahat ng manggagawa ng pelikulang Pilipino at telebisyon,” wika niya.
Nagpahayag naman ng suporta si Atty. Josabeth Alonso, na kumakatawan sa sektor ng employer, at kanyang sinabi na ang patas na batas at ang IRR nito ay “makabuluhang tagumpay sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga manggagawa at pagtataguyod ng isang ligtas na lugar-paggawa.”
Nanawagan din siya sa mga manggagawa sa pelikula at mga producer na “sumunod sa batas at magsilbing halimbawa para sa mabuting kalooban at positibong pagbabago sa ating industriya.”
Sinaksihan ang paglalagda nina House Committee on Labor and Employment Chair Rep. Juan Fidel Felipe F. Nograles, Rep. Juan Carlos C. Atayde, Film Development Council of the Philippines Chair Jose Javier Reyes, mga kasapi ng Movie and Television Industry Tripartite Council, mga kasapi ng National Tripartite Industrial Peace Council, technical working group ng IRR, at iba pang stakeholders.
Nakiisa rin sa seremonya ng paglalagda sina DOLE Undersecretaries Benjo Santos M. Benavidez, Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr., at Felipe N. Egargo, Jr.; Assistant Secretaries Amuerfina R. Reyes, Lennard Constantine C. Serrano, at Warren M. Miclat; gayundin ang mga opisyal ng bureaus at services ng Kagawaran.