MANILA, Philippines – Nagbabala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga kumakalat na social media posts na gumagamit umano ng larawan ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. upang hikayatin ang publiko na sumali o tumulong sa mga gawaing pampulitika at mga kilos-protesta.
Ayon sa AFP, ang mga naturang post ay “unauthorized and do not reflect the position of the AFP.” Hindi naman tinukoy ng militar kung aling grupo ang nasa likod ng mga ito.
Iginiit ng AFP na ito ay isang propesyonal, nagkakaisa, at hindi partisan na institusyon. Anila, “We do not endorse, support, or participate in partisan political activities. Our actions are guided solely by the Constitution, the rule of law, and our sworn duty to the Republic.”
Hinimok din ng AFP ang publiko na maging mapanuri at tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito ibahagi online, lalo na kung nagpapakita ito ng umano’y suporta o pakikilahok ng militar sa mga gawaing pampulitika.
Binigyang-diin ng AFP na nananatili itong propesyonal, disiplinado, at nakatuon sa mandato nitong protektahan ang mamamayan, ang estado, at ang integridad ng teritoryo ng bansa. RNT/MND