MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. Loren Legarda ang mga local government unit (LGU) na magbukas ng libreng pampublikong cooling centers sa mga barangay hall at iba pang madaling puntahang pasilidad upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa matinding init dulot ng napakalakas na El Niño.
Iminungkahi rin niya ang pakikipagtulungan ng mga LGU sa mga shopping mall upang magkaroon ng mga lugar kung saan maaaring magpalamig, magpahinga at uminom ng tubig ang mga residente, lalo na ang mga walang air-conditioning sa bahay at mga manggagawang matagal na nasa labas.
Bahagi ito ng ikaanim na panukala sa 10-Point Policy Action Plan ni Legarda laban sa El Niño na inilunsad noong Oktubre 19.
“If you have air-conditioning at home, you have a way to escape the heat. But what about families who cannot afford it? What about older persons, children, and workers who have to go out every day? They deserve a safe place where they can rest, cool down, and protect themselves from dangerous heat. Something this simple can make a real difference in people’s lives,” ani Legarda.
Binanggit ng senador ang babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027 ang kasalukuyang napakalakas na El Niño, na magdudulot ng mas mababang antas ng pag-ulan at mas mataas na temperatura sa maraming bahagi ng bansa.
Ayon sa heat index classification, nasa danger category ang temperaturang 42 hanggang 51 degrees Celsius, habang extreme danger naman ang 52 degrees Celsius pataas. Maaari itong magdulot ng heat cramps, heat exhaustion at heatstroke.
Binigyang-diin din ni Legarda ang babala ng World Health Organization (WHO) na higit na nanganganib sa matinding init ang mga senior citizen, bata, may dati nang karamdaman at mga manggagawang nasa labas, gayundin ang mga walang access sa air-conditioning o iba pang paraan ng pagpapalamig.
“When the heat becomes unbearable at home, we strongly advise everyone to seek refuge in cooler, well-ventilated environments. Spending even a few hours in public cooling spaces can help lower your temperature and prevent severe health risks such as heat-induced dizziness, headaches, and heat exhaustion,” dagdag niya.
Iminungkahi ni Legarda na magtalaga ang mga LGU ng mga angkop na pampublikong pasilidad bilang pansamantalang cooling centers na may sapat na pampalamig, ligtas na inuming tubig at lugar na mapagpapahingahan.
Maaari ring maglaan ng mga itinalagang cooling space ang mga shopping mall at iba pang pribadong establisimyento na maaaring gamitin ng publiko nang hindi kinakailangang bumili.
Ibinatay ang panukala sa Climate Change Act of 2009 o Republic Act No. 9729, Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 o RA 10121, at People’s Survival Fund na itinatag sa ilalim ng RA 10174.
Kaugnay rin ito ng Proposed Senate Resolution No. 733 ni Legarda na naglalayong imbestigahan ang kahandaan, mga programa at pondong inilaan ng pamahalaan para tugunan ang El Niño.
“When a typhoon is approaching, we prepare evacuation centers. We should take extreme heat just as seriously because it can also put lives at risk. We should be opening these spaces and preparing our communities before people start falling ill. Protecting lives should never have to wait for an emergency,” giit ng senador. RNT/MDS