ZAMBOANGA CITY, Philippines – Arestado ang isang bagong kinilalang high-value drug suspect matapos masamsam sa kanya ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon sa isang buy-bust operation madaling araw nitong Biyernes.
Ayon kay Police Regional Office 9 (PRO 9) spokesperson Lt. Col. Shellamie Chang, isinagawa ang operasyon alas-2:03 ng madaling araw sa Bypass Road, Sitio Presa Mayor, Barangay Tumaga.
Inaresto ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 9 at mga lokal na yunit ng pulisya, ang 39-anyos na suspek na hindi muna pinangalanan.
Narekober sa operasyon ang isang transparent na plastik na nakabalot ng goma na naglalaman ng tinatayang 1,000 gramo ng hinihinalang shabu, na may standard drug price na P6.8 milyon.
Dinala ang nakumpiskang ilegal na droga sa Regional Forensic Unit 9 para sa pagsusuri sa laboratoryo.
Nasa kustodiya naman ng Zamboanga City Police Station 7 ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165.
Ayon kay PRO 9 Director Brig. Gen. Elmer Ragay, magpapatuloy ang mga operasyon laban sa mga high-value drug target sa pamamagitan ng intelligence gathering, koordinasyon ng mga ahensiya at pagpapatupad ng batas. RNT/MDS