MANILA, Philippines – Isinailalim sa preventive suspension o sinuspinde ng Ombudsman ang matataas na opisyal ng Porac, Pampanga dahil sa kasong gross neglect of duty bunsod ng mga iligal na aktibidad at pagkakaroon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa kanilang munisipalidad.
Sa 11 pahinang kautusan, inatasan ni Ombudsman Samuel Martirez na patawan ng preventive suspension si Porac Mayor Jaime Capil, Vice Mayor Francis Laurence Tamayo, Business Permit and Licensing Office (BPLO) OIC Emerald Vital at walong miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Rohner Buan; Rafael Canlapan; Adrian Carreon; Regin Clarete; Essel Joy David; Hilario Dimalanta; Michelle Santos at John Nuevy Venzon.
Nag-ugat ang suspension order sa isinampang reklamo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa iligal na operasyon ng Lucky South 99 na sinalakay noong Hunyo.
Ayon sa Ombudsman may katapat na parusang pagsibak sa pwedto kung mapatunayan na nagkasala ang mga respondent ng Gross Neglect of Duty.
Sa rekord ng kaso, inisyuhan ng business permits para sa taon 2021, 2022 at 2023 ang Lucky South 99 kahit kulang ito sa regulatory requirements, paso na ang lisensya mula sa PAGCOR at kawalan ng business permit para sa 2024 batay sa BPLO certification.
Ipinaliwanag ng Ombudsman na kailangan suspendihin ang mga respondent upang hindi nito maimpluwensyahan ang mga testigo at upang hindi magalawnang mga ebidensya.
Inatasan ni Martirez si Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Offices Jose Balmeo Jr. na ipatupad ang naturang kautusan. TERESA TAVARES