Home OPINION P2.1-B BIDDING SA BFAR, NILUTO NGA BA?

P2.1-B BIDDING SA BFAR, NILUTO NGA BA?

198
0

USAPING anomalya, bakit ba hindi matapos-tapos sa ating bansa? Kaya tuloy tayo ay laging nagiging kawawa.

At ito, may bago na naman. Pinasisilip ng isang abogadong si Faye Singson kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. ang bidding sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sa pagbili ng iba’t ibang klaseng sasakyang-pandagat na nagkakahalagang ilang bilyong piso.

Si Singson, dating assistant prosecutor sa Office of the Ombudsman, ay nananawagan kay Laurel na agad imbestigahan ang mga pangamba at pag-aalinlangan sa bidding sa BFAR noong Okt. 10-11. Ayon kay Singson, dapat na gumawa ang kalihim ng mga hakbang upang masabi na fair and impartial ang bidding.

Nasa ilalim ng mga Bid Reference na 2024-62 at 2024-63, ang mga proyekto ay tumutukoy sa pagbili ng multi-mission offshore vessels, refrigerated cargo vessels, at steel-hulled fishing vessels, na lahat ay lampas P2.1 bilyon.

Ibinunyag ng abogado na ang nangyaring Bids and Awards Committee meetings noong Set. 11-12 ay nagresulta  sa pag-isyu ng isang supplemental bid bulletin na may petsang Set. 12, 2024. At si BFAR officer-in-charge Isidro M. Velayo Jr. daw ang nag-chair dito.

Binigyang-diin ni Singson na isang malaking isyu ito upang makansela o mabalewala ang buong proseso ng bidding at pwede rin itong pagsimulan nang pagsasampa ng mga kasong administratibo.

Sabi niya, ang mga nilalaman ng bulletin ay utos ni Velayo. At bilang BFAR acting chief, na siyang head ng procuring entity, ay hindi raw dapat nakikialam ito sa mga ginagawa ng BAC, lalo’t ito pa naman ang mag-aapruba sa mga rekomendasyon ng BAC.

Sinabi ni Singson na malinaw na niluto raw ang bidding process para paboran ang ilang piling kompanya. Dagdag pa niya, sadyang minanipula ang ‘requirements’ at’ specifications’ para sumakto sa mga piling kompanya at nawalan ng tyansa ang mga lehitimong bidder na makipagkompitensya.

Ang recordings daw ng BAC meetings noong Set. 11-12 ang makakapagpatunay sa mga ginawang iregularidad ni Velayo, ani Singson.

Dagdag pa, pribadong pinulong pa raw ni Velayo ng paisa-isa o grupo ang mga miyembro ng technical working group at BAC para idikta ang mga gusto nitong baguhin sa technical specifications ng bidding at malinaw naman daw na ito’y para pumabor sa isang partikular na bidder.

Giit ni Singson, napakasagrado ng paggastos sa pera ng taumbayan kasabay ng kanyang panawagan na ibasura ang bidding at sampahan ng administrative complaints si Velayo at ang mga kasabwat nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here