SIMPLE lang kung tutuusin ang pinakabanal na araw sa Israel – ang Yom Kippur.
Ito ang araw ng pagbabayad-sala at paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan.
Magagawa naman ang pagbabayad-sala at paghingi ng kapatawaran kapag sinunod ang mga pangunahing tagubilin ni Yahweh na kinikilala nilang Diyos.
Heto ang mga tagubilin: Huwag kang kumain at uminom; huwag kang magsuot ng balat na sapatos; huwag kang maligo o maghugas ng sarili; huwag gumamit ng anomang pabango o lotion; at huwag makipag-sex.
Tapos na ang Yom Kippur nitong Sabado at naunang ginanap ang 10 araw na pagtitika at pagsisi sa mga kasalanan.
Sa araw ng Yom Kippur, pinaulanan ang northern at southern Israel ng mga rocket at missile kaya marami umano ang nasugatan bagaman walang namatay.
Kasama ang Tel Aviv sa inatake ng Hezbollah ngunit drone na may dalang mga bomba ang ginamit dito.
Walang nagawa ang mga nagdadasal at nagtitika kundi kumaripas ng takbo patungo sa mga ligtas na lugar.
Kahapon, nagsimula ulit ding mambomba ang Israel sa Lebanan at tapat na lupain na ng huli ang binobomba at sinasalakay ng Israel, kasama mismo ang kapital ng bansa na Beirut.
Umaabot na sa 1,300 ang patay sa Lebanon at libo-libo ang nasugatan, kasama ang 3,000, nang pasabugin ng Israel ang mga pager at walkie-talkie na gamit ang mga Lebanese at Hezbollah.
Ngayon naman, good news ba na matatawag ang kawalan pa ng Pinoy na namamatay sa mga pambobomba ng Israel?
Pero nakarating na sa Pinas ang mga bad news ukol sa giyera.
Marami nang pamilyang Pinoy ang nawawalan ng padala ng kanilang mga overseas Filipino worker na bumubuhay sa kanila.
At bukas, magmamahal ang mga diesel, gasolina at gaas sa halagang mula P2 hanggang P2.65 kada litro na magpapataas ng presyo ng mga bilihin sa buong bansa dahil sa giyera, at susunod naman ang liquefied petroleum gas – lahat pawang tagalikha ng paghihirap at gutom sa Pinas.






