MARAMING nakalilimutang usapin sa Pinas, kasama na ang napakabilis na pagdami umano ng human immunodeficiency virus at mabilis na pagdami rin ng Acquired immunodeficiency syndrome.
Kasunod na ang pagdami ng mga naoospital, bentang ataol at cremation.
Sa tantiya ng mga awtoridad, maaaring aabot na sa 220,000 ang may HIV sa katapusan ng 2024 at mahigit sa 400,000 pagdating ng 2030.
Nitong nakaraang taon o 2023, may na-rekord na 111,031 kaya naman, mahigit na rito ang bilang nila ngayong 2024.
Lalo ngayong sinasabi ng Department of Health na may nahahawaang 58 kada araw simula noong Abril-Hunyo 2024.
Ang nakatatakot pa, mga Bro, nasaan ang mahigit 100,000 may HIV na hindi nalalaman ng DOH?
Baka, nasa tabi-tabi lang natin na kabeso-beso at naaano natin araw-araw.
Marami rin naman sa mga ito, ayon sa DOH, ang hindi nalalamang may HIV sila lalo’t karaniwang umaabot sa 10 taon bago magsimulang magkaroon ng matagalang palatandaan nito.
Kabilang sa palatandaan ang mga ito: 1) lagnat, 2) pneumonia, 3) pagtatae, 4) pangangayayat at pagbawas ng timbang, 5) pagbitak ng balat, 6) suga-sugat sa bunganga, lalamunan at iba pang parte ng katawan, at 7) at kulani.
MABILIS DUMAMI
Karaniwan ngayong pinakamaraming lalaki ang tinatamaan dahil uso na ang men-to-men sex.
Sa 10 nahahawaan, walo rito ang nagmumula sa sex na lalaki sa lalaki.
Dala na rin ito ng paglaya o pag-out ng mga lalaki bilang kasama sa grupong Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer at iba pa.
At pabata nang pabata ang mga nahahawaan mula sa edad 35-49 noong 2002 sa edad 25-34 simula noong 2006.
Pero dapat ding intindihin ang iba pa.
Nitong Hunyo 2023, heto ang dami ng mga may HIV: 1) edad 15 pababa – 371 o 1%, 2) edad 15-24 – 34,415 o 29%, 3) edad 25-34 – 59,462 o 51%, 4) edad 35-49 – 20,538 o 17%, 5) edad 50 pataas – 3,087 o 3%.
‘Yung katamtamang edad na 28 pababa ang mga may pinakamaraming maysakit.
Pero nakapanghinang isipin na kapag pinagsama-sama ang mga nasa edad 15 hanggang 49, 97 % ang mga ito ng 220,000 may HIV.
At hanggang wala pang masasabing talagang mabisang gamot laban sa HIV, aabot ang mga ito sa malalang kalagayan na AIDS at basta mamatay na lamang.
Simula nang nanghawa ang mga Amerikano sa Subic, Zambales ng nasa 8 Pinay, may namatay nang 8,246.
MABILIS PA SA KIDLAT
Itong HIV, mga Bro, papasok sa white blood corpuscle o putting dugo, kokopyahin nito ang putting dugo at pagkatapos nito, papatayin nito ang puting dugo.
Pagkatapos, itong nangopya na virus at mukha nang puting dugo, papasok sa ibang tunay na puting dugo, mangongopya na naman saka lilipat na naman para mangopya at papatayin ang tunay na dugong puti.
Kapag napakarami na ang peke ngunit virus na dugong puti, anak ng tokwa, diyan na manghihina ang immune system ng tao at kung magkakasakit na siya, wala nang panlaban sa impeksyon.
Diyan na hindi gagaling ang biktima sa anomang sakit na dadapo sa kanya.
Diyan na siya sasama sa 8,246 na nag-gudbay Pilipins.






