MANILA, Philippines- Nais ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na itaas ang halaga ng nakukuhang honoraria, allowances, at iba pang protection benefits ng guro at poll workers sa panukalang national budget sa 2025.
Binanggit ni Pimentel ang buwis na kinakaltas ng gobyerno sa bawat halaga na nakukuha ng guro at poll workers sa panahon ng halalan.
“The recipients are complaining about the amounts being taxed. Hence the addition should result in them getting at least those amounts after tax. As a minimum, add 20 percent to the amount,” ayon kay Pimentel sa Viber message.
Nitong 2022 national and local elections, nakakuha ang mga guro na nagtrabaho sa panahon ng halalan ng mga sumusunod na honoraria: Chairperson of Electoral Board – PHP7,000 ; EB Members – PHP6,000; DepEd Supervisor Official – PHP5,000; at Support Staff – PHP3,000 alinsunod sa Resolution No. 10727 na ipinalabas ng Commission on Elections (Comelec).
Pero, kinaltasan sila ng 20 porsyentong value-added tax (VAT).
“Napakahalaga ng gampanin ng mga guro sa pagsisiguro ng malinis maayos at matiwasay na halalan sa 2025. Sa mga ‘hot spots’ na lugar sa bansa, hindi maiwasang malagay sa panganib ang kaligtasan at buhay ng mga guro at poll workers,” ayon kay Pimentel.
Kaya’t muli itong nananawagan na tanggalin ang buwis na kinakaltas sa benepisyo at honoraria.
Bukod sa mas mataas na kompensasyon at tax exemptions, hiniling din ng senador sa Comelec na suriin ang working condition at kaligtasan ng miyembro ng Board of Election Inspectors tuwing halalan. Ernie Reyes