BANGUED, Abra – Naligo ng sariling dugo at wala nang buhay ng matagpuan ang katawan ng mag-ama sa Sitio Pasigad, Brgy. Bonglo, Licuan-Baay, Abra.
Kinilala ang mga biktima na si Alex Borreta nasa tamang edad ang kanyang anak na isang 17 anyos na kapwa residente ng Agtangao, Bangued, Abra.
Ayon sa Licuan-Baay Municipal Police Station, bandang 10:30 ng umaga noong ika-12 ng Oktubre ay nakatanggap ng tawag ang kanilang hanay mula sa isang concerned citizen hinggil sa natagpuang mga bangkay.
Agad namang nagtungo ang mga otoridad sa lugar at dito tumambad ang mga katawan ng biktima na pawang may sugat at tama ng baril sa kanilang ulo.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang shell casing ng .45 caliber, isang bala ng .45 caliber, at dalawang shell casing ng 5.56 caliber armalite.
Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa pamamaslang sa mag-ama at kung sino ang nasa likod nito. (Rey Velasco)