MANILA, Philippines – Isang 65 anyos na babae ang natagpuang patay sa loob ng kanyang tahanan sa Brgy Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Daisy Rafael y Tagala, 65, isang Money Lender at Pensioner, na residente ng Block 27 Lot 32 Phase 2B Brgy Aguado, ng nasabing lungsod.
Base sa report ng pulisya, itinuturo umanong suspek si alyas Kian, 37-anyos manugang ng biktima na lalaki na siya umanong pumatay sa kanyang biyenan na babae na natagpuan na wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay Huwebes ng gabi.
Sa ulat, dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi ng nadiskubre ng anak ng biktima na si Ludy Sadie ang bangkay ng kanyang ina sa loob ng kanilang bahay na may taklob na plastic bag ang ulo habang nakatali ang mga kamay sa likod na pinaniniwalaang ito ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya sa anak ng biktima, lumalabas na ang manugang ang may kagagawan ng pagpatay subalit hindi na idinetalye ng anak ang naging motibo sa pagpatay sa kanyang ina.
Patuloy naman ang paghahanap sa suspek upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya. Margie Bautista