MANILA, Philippines- Natagpuang duguan at nakahandusay sa daan ang isang Chinese national matapos umanong barilin ng mga kapwa Chinese na nagpanggap na mga buyer ng kanyang luxury SUV sa Cabuyao, Laguna.
Ayon sa ulat nitong Biyernes, nagtamo ang Chinese ng tama ng bala sa hita sa Barangay Diezmo.
Sinabi ng Cabuyao City Police na mula sa Mandaluyong ang biktima at sumama siya sa test drive ng mga suspek, na nagpanggap na bibilhin ang kanyang mamahaling sasakyan.
Subalit, nauwi ang kanilang transaksyon sa shooting incident at carnapping.
Batay kay Police Lieutenant Colonel Rexpher Gaoiran, hepe ng Cabuyao City Police, nasa Alabang na ang biktima at mga suspek nang magdeklara sila ng hold-up.
Matapos ang backtrack ng CCTV, namataan ng mga awtoridad kung saan lumabas ang mga suspek at nakumpirma ang kanilang sasakyan. Makikita sa CCTV footage ang isang kotse na sinusundan ang SUV ng biktima bago siya barilin.
Hinala ng mga pulis, hindi mula sa lugar ang mga suspek.
Samantala, duda naman ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa intensyon ng mga salarin.
“Kailangan laliman pa natin ang investigation. Ang tinitingnan kasi natin diyan, bakit kailangang pagbabarilin ‘yung tao kung talaga ‘yan ay ordinaryong bentahan ng sasakyan. May mga insidente kami before kasi na ‘yung mga pinatay o kaya’y pinagbabaril, mga dinukot, minsan pinagdududahan nila [‘yun ang] nanlaglag sa isang raid na nangyari o ‘di kaya sa isang hulihan ng POGO hub,” giit ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz.
“We need to go deeper into the investigation. What we are looking at is, why does the person need to be shot if it was only an ordinary car sale. We have had incidents before where those who were killed, shot or abducted were suspected to be informants that led to the raid of a POGO hub,” dagdag niya.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng mga awtoridad ng hot pursuit sa mga suspek, habang ang biktima na sumailalim sa operasyon ay nagpapagaling sa ospital. RNT/SA